CEBU CITY- Siniguro ng National Meat Inspection Service (NMIS) sa lungsod na ito na sapat ang suplay ng karne ng baboy lalo ang litson baboy sa nalalapit na Kapaskuhan sa kabila ng bantang African Swine Fever (ASF), noong Biyernes.
Ayon kay Hannah Lou Ejercito, meat inspector at consumer protection head ng NMIS-7 (Central Visayas), tiniyak ito sa mga mamimili na sapat ang suplay ng karne ng baboy sa darating na Holiday season.
Aniya, lalo pa nilang paiigtingin ang gagawin inspeksyon sa mga kinakatay na baboy.
“Here in NMIS, we can assure you there will be an available supply of meat on Christmas. As the holiday nears, inspection will ensure the meat slaughtered and offered for sale in the market are fit for human consumption,” pagtiyak ni Ejercito.
Tinitiyak ng field office ng NMIS-7 na ang karneng inihahatid sa merkado ay nagmula sa mga akreditadong nagbebenta, sumailalim sa inspeksyon at ipinasa para sa sertipikasyon.
Hinikayat din nito ang mga mamimili na maging mapagbantay sa pagbili ng karne at huwag mag-atubiling humingi ng sertipikasyon sa mga nagbebenta, na dapat ay mayroon itong sertipikasyon.
Samantala, pinaalalahanan naman ng Department of Veterinary Medicine and Fisheries (DVMF) sa lungsod ang mga nagbebenta at handler na regular na kumuha ng permit mula sa lungsod, lalo na sa kanilang mga empleyado at para sa mga produktong kanilang ibinebenta upang maiwasang kwestyonin.
Ang DVMF ay regular na sinusuri ng Regulatory Section ang mga wet market at supermarket para matiyak ang wastong dokumentasyon ganun din ang inspeksyon sa tatlong proseso: ante mortem, post mortem, at post abattoir.
Bumibisita ang mga meat inspector sa mga abattoir at slaughterhouse para sa ante-mortem inspection upang matukoy kung nasusunod nila ang mga proseso na angkop sa pagkain ng tao.
Kinakailangan ding magbigay ng mga operator ng sertipiko ng kalusugan, mga sertipiko ng transportasyon ng mga hayop, at iba pang mga sertipikasyon upang ipakita na ang mga inihatid na hayop ay ligtas sa anumang sakit. Mary Anne Sapico