Home NATIONWIDE VP Sara posibleng maharap sa impeachment – solon

VP Sara posibleng maharap sa impeachment – solon

224
0

MANILA, Philippines – Dalawa ang nakikitang batayan ng House Committee on Good Government and Public Accountability na maaaring magamit sa paghahain ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng hindi nito maipaliwanag na paggastos ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd, ayon kay Manila Rep. Joel Chua.

Ipinaliwanag ni Chua na bagamat ang kanilang isinagawang imbestigasyon ay “in aid of legislation,” nakakita ang komite ng mga maaaring batayan sa pagsasampa ng impeachment complaint laban kay Duterte gaya ng graft and corruption at betrayal of public trust.

Sinagot ni Chua ang paratang ni Duterte na isang “fishing expedition” lamang ang imbestigasyon, aniya, sa itinakbo ng imbestigasyon ay maraming nakitang iregularidad.

Ipinaliwag ni Chua na isa sa nakikita ay ang paggastos ng P125 milyong confidential funds ng OVP na naubos sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre 2022 na sapat na upang magdulot ng mga pagdududa kung tama ang ginawang paggastos sa pondo ng bayan.

Noong Agosto, naglabas ang COA ng Notice of Disallowance kaugnay ng kwestiyonableng paggamit ng P73.28 milyon na bahagi ng P125 milyong confidential fund ng OVP noong 2022, nangangahulugan ito na hindi nabigyang katwiran at napatunayan ng OVP na tama ang ginawa nitong paggastos.

Ang tanggapan ni Duterte ay nakatanggap din ng P500 milyon sa confidential fund noong 2023 at sa halagang ito ay P375 milyon ang nagastos sa unang tatlong quarter ng taon.

Hindi na ginamit ng OVP ang nalalabing P125 milyon para sa ikaapat na quarter ng 2023.

Sa gitna ng mga pagbatikos kaugnay sa mabilis na paggastos ng P125 milyon noong huling bahagi ng 2022, hindi na binigyan ng confidential ng Kongreso ang OVP para sa 2024.

Ayon kay Chua, maaaring maharap si VP Sara sa impeachment dahil sa katiwalian at korapsyon, dahil sa mga hindi maipaliwanag na isyu tulad ng P15 milyon sa confidential funds ng DepEd na ginamit sa pagbabayad ng reward sa mga impormante at P16 milyon na ginastos ng OVP sa pagbabayad ng renta ng mga safe house sa loob ng 11 araw noong 2022.

“Pare-parehas po tayong nagtatanong kung saan napunta ‘yung P15 million. May certification, sine-certify pero inamin naman ng Army na hindi sa kanila napunta, walang dinownload. Ngayon ang tanong—saan napunta? ‘Yung P1 million na rental for safe houses, walang detalye. Hindi po natin alam kung totoo nga pong nagamit sa rentals,” punto pa ni Chua.

Tinukoy ni Chua ang mga natuklasan ng komite na ang DepEd, sa ilalim ng pamumuno ni Duterte, na sinabing ginamit nito ang mga CIFs para sa Youth Leadership Summit, gayung karamihan sa mga gastos ay mula sa pondo ng Philippine Army at mga lokal na pamahalaan.

Sa testimonya ng apat na opisyal ng militar, sinabi ng mga ito na hindi nila ginamit ang confidential fund ng DepEd sa Youth Leadership Summits noong 2023.

Gayunpaman, ginamit ng DepEd na pinamumunuan ni Duterte ang mga sertipikasyong inilabas ng mga opisyal upang bigyang-katwiran ang P15 milyon sa CIFs na umano’y inilaan para sa mga bayad sa mga impormante.

Sa nakalipas na pagdinig ng komite, ikinagulat ng mga mambabatas ang paggamit ng OVP ng P16 milyon sa confidential fund nito sa pagrenta ng 34 na safe house sa loob ng 11 araw. Kabilang dito ang isang safe house na nirentahan ng P91,000 kada araw.

Ayon sa mga rekord, ang OVP ay nagbayad ng halagang mula P250,000 hanggang P1 milyon sa bawat safe house mula Disyembre 21 hanggang 31, 2022.

Ang paggastos ay pinatunayan gamit ang mga acknowledgment receipts na walang lagda at hindi malinaw kung sino ang tumanggap ng bayad at kung anong klaseng safehouse ang nirentahan.

Ipinunto pa ni Chua na ang mga aksyon ni Duterte ay maaaring ituring na pagtataksil sa tiwala ng publiko, partikular sa nakikitang maling paggamit ng pondo na ipinagkatiwala sa kanyang pangangalaga.

Gayunpaman, nilinaw niya na ang layunin ng komite ay hindi ang magsagawa ng impeachment.

Bagamat hindi nagbigay si Chua ng tiyak na pahayag ukol sa impeachment, inamin nito na ang mga natuklasan ay maaaring magsilbing batayan para sa ganitong hakbang.

“Kung ganito ang pagbabasehan natin, pwedeng may grounds. But siyempre ayaw po natin mag-conclude pa,” ayon pa sa kongresista, binanggit din nito na may pagkakataon pa si Duterte na pabulaanan ang mga akusasyon. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here