Bulacan – Arestado ang itinuturong noturyos na lider ng grupong sangkot umano sa malawakang pagpatay at ibat-ibang krimen sa lalawigang ito at mga karatig probinsiya.
Kinilala ni Central Luzon Police Regional Director PBGEN Redrico A. Maranan ang naaresto na si Raymond Lorenzana, alyas “Emon”, lider ng noturyos na Lorenzana Group at most wanted criminal gang leader ng Bulacan.
Sa report, naaresto nitong Linggo, Oktubre 27 sa San Felipe, Zambales si Emon nang silbihan ng dalawang warrant of arrest para sa magkakaibang kaso ng pagpatay ng Provincial Intelligence Unit (PIU) of Bulacan katuwang ang San Felipe police station, PIU Zambales, RID PRO3, at PIT Zambales RIU3.
Nabatid na sangkot umano ang Lorenzana group sa pagpatay, gun for hire, pagbebenta ng iligal na droga at robbery-holdup sa Bulacan at karatig probinsiya sa Central Luzon.
“Sa pagkakaaresto kay Lorenzana, maraming kaso ng pagpatay at iba pang krimen ang mareresolba kung kaya naman patuloy ang pagpapaigting sa aming kampanyang wasakin at lansagin ang mga criminal groups maging ang private armed groups dito sa rehiyon,” anang heneral. Dick Mirasol III