ANG “Araw ng mga Patay” o “Undas,” o banal man o ordinaryo, ay isa sa pinakamahalagang tradisyon ng mga Filipino tuwing Nobyembre 1 at 2. Sa kabila ng modernisasyon, nananatili itong malalim na bahagi ng kultura na nagpapakita ng pagpapahalaga sa mga namayapang mahal sa buhay.
Paano nga ba nagsimula ang pagdiriwang na ito at paano ito naging bahagi ng kulturang Filipino?
Bago pa man dumating ang mga Kastila noong 1521 at kanilang pagbabalik noong 1565, ang mga katutubong Filipino ay mayroon nang tradisyon ng paggunita sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay. Sa panahong iyon, naniniwala sila na patuloy na nakikisalamuha ang mga espiritu ng kanilang mga ninuno sa mundong ibabaw, kaya’t kinakailangan ang mga ritwal upang alayan at parangalan ang kanilang mga alaala. Isa sa mga ginagawa ang pag-aalay ng pagkain at mga kagamitan bilang pasasalamat at pagsamba sa kanilang mga anito at kaluluwa.
Malalim kasi ang pagpapahalaga ng sinaunang mga Filipino hanggang sa kasalukuyan sa mga namayapang mahal sa buhay. Alam natin na ang kamatayan ay hindi nakapaghihiwalay sa atin sa ating mga minamahal.
Nang dumating ang mga Kastila, ipinakilala nila ang Kristiyanismo sa Pilipinas at sinimulang ipatupad ang mga tradisyon ng Simbahang Katolika, kasama na ang Araw ng mga Santo at Araw ng mga Patay (All Saints’ Day at All Souls’ Day). Layunin nitong bigyang-diin ang panalangin para sa mga kaluluwang nasa purgatoryo upang makapiling nila ang Diyos. Dahil sa pagtuturo ng mga Kastila, naging kaugalian ng mga Filipino ang pagsisindi ng kandila, pagdarasal, at pagsisimba para sa mga kaluluwa ng namayapang mahal sa buhay.
Sa panahon ng kolonyalismong Amerikano mula 1899, nagkaroon ng modernisasyon sa bansa at nakarating ang mga bagong impluwensya sa kulturang Filipino. Gayunpaman, ang Undas ay nanatiling isang mahalagang okasyon. Naging bahagi ng Undas ang pagsama-sama ng mga pamilya sa sementeryo, ang pag-aayos ng mga puntod, at pag-aalay ng mga bulaklak at pagkain sa libingan ng mga yumaong mahal sa buhay. Maraming pamilya ang sinasamantala ang panahong ito para sa mga muling pagkikita-kita (reunion) at pagbibigay-galang sa kanilang mga yumaong kamag-anak.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagsasama ng modernong kultura sa tradisyon ng Undas. Maraming Filipino ang naglalakbay pauwi sa kanilang mga probinsya upang dalawin bilang pagbibigay-halaga at paggalang ang mga yumaong mahal sa buhay.
Kasabay nito ang pag-usbong ng mga makabagong paraan ng paggunita tulad ng online na dasal at misa, lalo na noong kasagsagan ng pandemya.
Subalit, sa kabila ng mga pagbabago, nananatiling makabuluhan ang Undas bilang paraan ng pagbibigay-pugay at pagsasariwa sa alaala ng mga yumaong mahal sa buhay.
Ang Undas ay hindi lamang isang tradisyon kundi isang mahalagang bahagi ng kulturang Filipino na nagpapaalala sa kahalagahan ng pamilya at pagkakaisa. Sa bawat taon, ang paggunita ng Undas ay nagiging pagkakataon upang alalahanin at ipagdasal ang mga yumao at upang ipagdiwang ang hindi mapapatid na ugnayan ng mga buhay at mga yumaong mahal sa buhay.
Bagamat ang Undas ay isang tradisyon na pinagsama-samang impluwensya ng mga sinaunang paniniwala at Kristiyanismo, nagpapakita ng kagandahan ng kulturang Filipino at ang ating pagpapahalaga sa pamilya at alaala ng mga minamahal. Tunay na walang makakapatid sa ugnayan at pagmamahal ng mga yumao at buhay.






