MANILA, Philippines – Nalantad sa lokal na pamahalaan ng Marikina ang insidente ng bentahan ng puntod sa Barangka Municipal Cemetery sa Marikina City.
Sa inspeksyon nitong Undas, sinabi ni Mayor Marcelino Teodoro na mayroong ilang indibidwal ang nailibing sa sementeryo na hindi residente ng lungsod.
Illegal umanong ibinenta ng dating cemetery administrator ang mga libingan, na nagdulot din ng illegal na exhumation ng mga labi na natagpuan sa sementeryo.
“Nakita namin ‘yung mga nagpapalibing nanggagaling pa sa ibang lugar sa Quezon City, sa Pasig na dapat itong sementeryong ito ay para sa mga residente ng Marikina. Hindi alam ng mga taga-ibang lugar na nabibiktima sila, na binibenta sa kanila ‘yung nitso,” ani Teodoro.
Dagdag pa, ang mga labi na hinukay ay inilipat sa ibang libingan at ang pinanggalingang nitso ay ibinenta sa iba.
Magsasampa ng reklamo ang Marikina LGU laban sa dating administrator ng sementeryo at mga kasabwat nito.
Nagdaos naman ng misa para sa mga apektadong labi ng illegal exhumation kasabay ng pagbabasbas sa mga sako na naglalaman ng mga labi ng mga ito. RNT/JGC