MANILA, Philippines – Paiigtingin ng Philippine Coast Guard (PCG) ang inspeksyon nito sa dredging ships na nag-ooperate sa Manila Bay matapos ang pagkakadiskubre ng undocumented Chinese nationals na sakay ng mga dredger sa Bataan.
Nadiskubre ng PCG ang 13 illegal Chinese crew na sakay ng dredging vessel na Harvest 89 sa Mariveles, Bataan bago ito umalis patungong San Felipe, Zambales noong Nobyembre 26.
Sa inspeksyon, nadiskubre ang mga uniporme na katulad ng sa People’s Liberation Army (PLA).
“Because of this incident, the Commandant of the Philippine Coast Guard has directed all our Coast Guard stations covering Manila Bay – from Coast Guard Station Cavite to Coast Guard Station Manila, Zambales, and Bataan to intensify the inspection of these dredger vessels operating here in Manila Bay and to board them and ensure that there are no Chinese nationals on this ship,” pahayag ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela.
Sa pag-iimbestiga, napag-alaman ng PCG na ang barko ay walang permit na magsagawa ng dredging activities sa San Felipe, Zambales.
“Ang mga crew nito ay intended talaga na dapat Pilipino. At ito nga ang declaration nila, they are operating dredging dito sa Manila Bay at wala naman silang sinabi na mayroong Chinese nationals,” ani Tarriela.
Nakikipag-ugnayan na ang PCG sa MARINA at Bureau of Immigration para habulin ang may-ari at shipping agency nito, kasabay ng pagsusulong ng legal na hakbang laban sa illegal aliens.
Ang barkong Harvest 89 ay kasalukuyang naka-detain ng PCG. RNT/JGC