MANILA, Philippines – Nilinaw ni Ombudsman Samuel Martires na hindi ito nakikipag-away sa Department of Justice (DOJ) kaugnay sa usapin ng pag-iimbistiga sa umano’y pagbabanta ni Vice President Sara Duterte laban kay Pangulong Bongbong Marcos.
Aminado si Martires na nasaktan siya sa naging pahayag ni DOJ Undersecretary Jesse Andres dahil mistula silang pinangungunahan.
“Ang nasaktan lang kami parang pinangungunahan kami. Sabi ko nga disinformation eh,” paglilinaw ng Ombudsman.
Magugunita na sinabi ni Andres na may tungkulin ang Ombudsman na disiplinahin at imbestigahan ang sinumang opisyal ng pamahalaan.
Gayunman, iginiit ng Ombudsman na maari lamang nilang imbestigahan si VP Sara kung may kinalaman sa trabaho ang naging pahayag nito.
“Yung kanya (VP Sara Duterte) bang pagsasabi na pagpapatay ko, in relation to office? Sa pananaw namin ay wala,” dagdag ni Martires.
Saklaw aniya ng Ombudsman na imbestigahan ang mga kasong may kaugnayan sa anti-graft law at mga pagkakasala na may kinalaman sa paganap sa kanilang tungkulin.
Sinagot din ni Martires ang mga alegasyon na pinapaboran niya ang Vice President dahil ang ama nito na si dating pangulong Rodrigo Duterte ang nagtalaga sa kanya sa pwesto.
Binigyan-diin ni Martires na ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho at nagsisilbi sa taumbayan sa abot ng kanilang makakaya.
“Anong sinabi nila appointee ako ni Digong. Totoong appointee ako, appointee din yung ibang deputy, pero ginagawa lang namin yung aming trabaho. Nagsisilbi kami sa taong bayan sa abot ng aming kakayahan. So, napaka-unfair naman ng ganung statement kasi hindi lang sa aming mag aapply yun, pati sa mga susunod na Ombudsman,” iginiit ni Martires. Teresa Tavares