Home NATIONWIDE BI: Walang indikasyong tinulungang makalabas ng bansa si Harry Roque

BI: Walang indikasyong tinulungang makalabas ng bansa si Harry Roque

194
0

MANILA, Philippines- Inihayag ng Bureau of Immigration (BI) na walang indikasyon na kabilang ang kanilang tauhan sa mga tumulong kay dating presidential spokesperson Harry Roque na umalis ng bansa.

Inihayag ito ni BI spokesperson Dana Sandoval noong Miyerkules batay na din sa isinagawa nilang inisyal na imbestigasyon.

Nauna nang kinumpirma ni Roque, na nabigyan ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO), na nasa labas siya ng Pilipinas matapos siyang magsumite ng counter-affidavit na nanotaryo sa Abu Dhabi.

Gayunman, naniniwala ang BI na si Roque ay umalis ng bansa sa pamamagitan ng mga ilegal na paraan dahil wala umano sa kanilang talaan na si Roque ay lumabas ng bansa.

Sinabi ni Sandoval na maaaring higit sa isang tao ang tumulong kay Roque na umalis ng bansa.

Ayon pa kay Sandoval, naniniwala rin ang bureau na dapat palakasin ang mga batas ng bansa laban sa mga indibidwal na umaalis ng bansa sa pamamagitan ng mga ilegal na paraan.

Matatandaang inisyuhan ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) si Roque nito lamang buwan ng Agosto.

Sinabi ni Justice Undersecretary Raul Vasquez na ang isang ILBO ay nag-uutos sa mga empleyado ng BI na ipaalam sa mga ahensyang nagpapatupad ng batas ang kinaroroonan ng mga indibidwal na inisyuhan nito.

Gayunman, iginiit ni Vasquez na ang BI ay may hurisdiksyon lamang sa mga opisyal na daungan at mga international ports of entry.

“Ang malaking problema diyan ay ‘yung mga private hangers at saka private ports na pwedeng gagamitin din,” ani Vasquez.

Ayon kay Vasquez, nauna nang sinabi sa kanya ni Immigration Commissioner Joel Viado na may hurisdiksiyon ang Civil Aviation Authority of the Philippines sa mga private hanger. JR Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here