MANILA, Philippines- Sa pagtalakay ni Vice President Sara Duterte sa diwa ng Pasko sa isang Thanksgiving party, iginiit niyang siya mismo ay hindi mapagpatawad.
“Ang Pasko ay panahon ng pagpapatawad, pagmamahal, at pagbibigay. Forgiving, giving, and loving. Lagi ko pong sinasabi na depende ‘yan sa tao pero dahil ako ay vice president, kailangan ko sabihin na yan ang mensahe at diwa ng Pasko. Pero kung ako, hindi ako magpapatawad,” pahayag ni Duterte sa thanksgiving activity ng Office of the Vice President (OVP) nitong Martes.
“Iba-iba ang tao, diba? Mayroon sa atin mabilis magpatawad, mayroong matagal at mayroon sa atin na dinadapa sa hukay ang galit,” dagdag niya.
Sa parehong talumpati, pinaalalahanan din ni Duterte ang mga botante na bumoto nang matalino sa susunod na eleksyon at huwag umanong “awtomatikong” iboto ang mga miyembro ng isang political family.
“Hindi dahil galing sa pamilya ng politiko ay automatic ang boto ninyo…Kelangan suriin ninyo ng mabuti kung mayroon ba syang kakayahanan bukod sa kaniyang apelido,” aniya.
Ayon pa kay Duterte, dapat suriin ang mga kandidato base sa mga kwalipikasyon ang hindi dahil sa “ayuda” na nakukuha mula sa mga nakaupong opisyal.
“Hindi niyo utang na loob sa kanila ang ayuda,” patuloy niya.
Ang pahayag ni Duterte ay sa gitna ng alitan nila ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. matapos niyang sabihing ipinag-utos niyang itumba angFirst Couple at si House Speaker Martin Romualdez sakaling magtagumpay ang umano’y planong paslangin siya.
Kasalukuyang nahaharap si Duterte sa impeachment complaint na inihain ng advocacy groups batay sa umano’y corruption, bribery, betrayal of public trust, at iba pang mga krimen. Inendorso ito ni Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña nitong Lunes.
Gayundin, naghain ang ilang sectoral groups kabilang ang mga dating kongresista at human rights victims ng ikalawang reklamo laban sa kanya batay naman sa paggamit ng pondo ng OVP at ng Department of Education.
Nauna nang pinabulaanan ni Executive Secretary Lucas Bersamin na may kinalaman ang Office of the President sa impeachment complaint. RNT/SA