CEBU CITY- Nagpalutang-lutang at walang saplot nang matagpuan ang isang master diver sa baybaying sakop ng Alegria City.
Kinilala ang biktimang si Paul Wenson Ferolino Diaz, 32, at residente ng Sitio Lower Anongan, Brgy. Madridejos, Alegria City.
Batay sa report ng Alegria Police Station, bandang alas-7 ng umaga noong Lunes natagpuan ang bangkay ng biktima na walang saplot sa dalampasigan ilang metro ang layo sa tahanan ng biktima.
Sa pagresponde ng mga awtoridad sa naturang lugar ay agad na dinala sa pinakamalapit na ospital ang biktima subalit idineklara na rin itong patay ng umatending doktor dahil sa pagkalunod.
Ayon naman sa ina ng biktima, nakaranas ng depresyon ang anak matapos itong hiwalayan ng kanyang misis.
Naniniwala naman ang ina na si Susana Diaz, na walang foul play sa nasabing insidente. Mary Anne Sapico