MANILA, Philippines – Humupa at nagpatuloy sa pagbaba ang inflation print para sa bigas sa bansa noong Nobyembre.
Ito ay sa kabila ng pinagsanib na base effects at epekto ng reduced tariff rates para sa imported na bigas, iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Huwebes, Disyembre 5.
Sa pulong balitaan, sinabi ni National Statistician and PSA chief Claire Dennis Mapa na bumaba ang inflation sa bigas sa 5.1% noong nakaraang buwan mula sa 9.6% noong Oktubre.
Ito ang pinakamababang inflation print para sa bigas mula Hulyo 2023 na 4.2%.
Ang paggaan ng inflation sa bigas ay nakita mula
pa noong Agosto at pasok sa inaasahan ng PSA.
Iginiit ni Mapa na inaasahan ng PSA na patuloy pang babagal ang inflation sa bigas.
Samantala, inihayag ni National Economic and Development Authority Secretary Arsenio Balisacan na, “to further address food prices, the Department of Agriculture is set to launch the Kadiwa Rice-for-All program across major public markets to offer more affordable options for consumers amid the persistently elevated rice prices.”
Dahil dito ay nagpapadala ang DA ng Kadiwa ng Pangulo kiosks sa mga pamilihan at nag-aalok ng “Rice-for-All” sa presyong P40 kada kilo.
Layon ng Rice-for-All program na magbigay ng abot-kayang bigas sa mga consumer.
Nakikipag-ugnayan na ang DA sa mga pamilihan sa Metro Manila para sa rollout nito, particular ang Kamuning Market, Malabon Central Market, New Las Piñas City Public Market, Pasay City Public Market, Balintawak Market, Cartimar Market, Pateros Grace Marketplace, Maypajo Public Market, at Paco Market. RNT/JGC