MANILA, Philippines – Tumaas ng 24.4 percent ang local rice stocks o 2.46 milyong metriko tonelada hanggang noong Nobyembre 1, kumpara sa 1.98 milyong metriko tonelada noong nakaraang taon, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ang pagdami sa stock ay dahil din sa mataas na stock mula sa commercial sector at National Food Authority (NFA).
Kumpara noong Oktubre, ang rice inventory ay tumaas ng 7.9% mula sa 2.28 milyong MT.
Lumago ang commercial sector at NFA depositories ng 57.4% at 135.2%. Sa kabila nito, bumaba naman ang household sector stocks ng 11.4%.
Ang commercial sector ay mayroong 57.6% ng kabuuang stockpile na 1.4 milyong MT, sinundan ng households sa 36.6% share o 901,210 MT.
Mula sa NFA ang nalalabing 5.8% o 141,680 MT ng bigas.
Samantala, iniulat naman ang pagbaba sa stock ng mais.
Iniulat ng PSA na ang corn inventory ay nasa 619,160 MT hanggang noong Nobyembre 1, o 20.6% na pagbaba mula sa 779,460 MT.
Sa buwanang basis, ang stock ng mais ay bumaba ng 14.9% mula sa 727,840 MT.
Mayroong 540,650 MT ng suplay ng mais ang commercial sector, bumaba ng 21.3%, habang ang household stocks ay bumaba rin ng 14.7% sa 78,510 MT.
Nasa 87.3% ng corn inventory noong nakaraang buwan ay nagmula sa commercial sector, at 12.7% mula sa households.
Siniguro naman ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa sa publiko na sapat ang suplay ng bigas, baboy at manok ngayong buwan.
Inaasahan naman ng DA na mapapanatili nito ang mahigit 100 araw ng national rice inventory hanggang sa pagtatapos ng taon.
Sinabi ni De Mesa na sapat ito hanggang sa susunod na anihan dahil may mga karagdagang inangkat pa ang paparating.
Kamakailan ay binago ng DA ang palay output projection ngayong taon sa 19.3 milyong MT dahil sa epekto ng mga nagdaang bagyo.
Sinabi rin ni De Mesa na may sapat namang suplay ng manok at baboy, habang nagrerekober din ang stock ng lowland vegetables na naapektuhan ng mga nagdaang bagyo. RNT/JGC