MANILA, Philippines – Pinayagan ng Canlaon City government sa Negros Oriental na pansamantalang makauwi ang mga inilikas na pamilyang naninirahan sa labas ng six-kilometer Permanent Danger Zone sa paligid ng Bulkang Kanlaon.
Ayon kay Edna Lhou Masicampo, Canlaon City public information officer, mayroong mahigit 300 pamilya mula sa 10 evacuation centers ang pinayagang makauwi sa bahay para sa kanilang mga kabuhayan.
Sa kabila nito, pinapayagan lamang sila mula alas-3 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Unang pinayagan ang mga evacuee na makauwi mula alas-6 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon, ngunit nakipagkasundo si Mayor Jose Chubasco Cardenas na mas agahan pa ang iskedyul para sa pag-aani ng mga magsasaka.
Sinabi ni Masicampo na karamihan sa mga evacuees ay magsasaka at kailangang mag-ani at magbenta ng mga ani sa pamilihan.
Binigyan din ng special consideration sa mga rider na kailangang bumyahe palabas ng lungsod para magdeliver ng parcel.
Papayagan lamang ang mga evacuee sa danger zone basta’t mayroon itong passes para sa identification purposes.
“They are not allowed to stay overnight because we cannot predict when the volcano may erupt again,” ani Masicampo.
Sinabi pa niya na lahat ng mga aksyon ay nakaayon sa mandato ng inter-agency task force sa pakikipag-ugnayan sa Office of Civil Defense (OCD). RNT/JGC