Home METRO Gunrunner itinumba sa Calbayog City

Gunrunner itinumba sa Calbayog City

MANILA, Philippines – Patay ang hinihinalang gunrunner habang sugatan ang isang sibilyan at tatlong pulis sa buy-bust operation na ikinasa sa Pido Extension, Barangay East Awang, Calbayog City, Samar.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si Ricardo Dealagdon, alyas Edgar Nayanga, miyembro ng Wahingon Private Armed Group sa Eastern Visayas at top regional priority target list.

Inilunsad ng mga awtoridad ang operasyon laban kay Dealagdon matapos mapag-alaman ang gunrunning activities nito.

Nagawang makabili ng poseur buyer ng KG9 sub-machine gun na nagkakahalaga ng P22,000 sa mga tauhan ni Dealagdon.

Sa kabila nito, nang makatunog ang mga tauhan nito na nakikipagtransaksyon sila sa mga pulis ay tumakas ang mga ito pauwi.

Nakipagbarilan ang mga suspek sa mga awtoridad dahilan para masugatan ang isang sibilyan at tatlong pulis.

Dito na gumanti ng putok ang mga operatiba at napatay si Dealagdon habang naaresto naman ang limang miyembro nito.

Nasa kustodiya ng Calbayog City Police Station ang mga naarestong suspek. RNT/JGC