ILOCOS SUR – Patay ang isang 39-anyos na mister matapos magbigti sa bayan ng Sta. Cruz ng lalawigang ito.
Bandang 6:15 ng umaga nitong Biyernes, Marso 14, nang madiskubre ang biktimang may tali sa leeg na nakabitin sa may puno ng Avocado sa labas ng kanilang bahay.
Mismong ang kasa-kasama nito sa bahay na pamangkin niya ang nakadiskubre sa kanya.
Ayon sa pamangkin ng biktima, pagkagising niya ay lumabas siya ng bahay at nagulat siya nang makita ang biktimang may tali sa leeg na nakabitin sa puno ng Avocado.
Dahil dito, mabilis niyang ibinaba ang kanyang tiyuhin sa pagkakabitin.
Base sa isinagawang physical examination ni Dr. Elalin J. Javillor ng RHU, walang makitang ibang sugat sa katawan ang biktima maliban sa nakitang ligature marks sa kanyang leeg.
Sinasabi ng mga ibang kamag-anak nito na ang biktima at ang misis niya ay nasa hindi maayos na sitwasyon.
Problema rin umano ng biktima kung saan siya kukuha ng pangsustento sa kanyang dalawang anak dahil nawalan siya ng trabaho.
Nabatid na ang biktima ay sumasailalim din ng gamutan dahil sa sakit nitong schizophrenia at bipolar disorder. Rolando S. Gamoso