MANILA, Philippines – Nagtamo ng sunog sa katawan ang mag-asawa matapos na sumabog ang isang LPG gasulette na ikinasunog ng kanilang tirahan sa Barangay Central sa Quezon City.
Sa ulat, nabulabog ng pagsabog ang BFD compound alas-2 ng madaling araw. Kasunod nito ay sumiklab ang sunog na itinaas sa unang alarma.
Agad na rumesponde sa lugar ang mga bumbero na inabot ng 30 minuto bago naapula ang sunog.
Sa inisyal na imbestigasyon, nagluluto ang mag-asawa nang sumabog ang kanilang LPG gasulette.
Agad na dinala sa ospital ang mag-asawa matapos magtamo ng lapnos sa braso at kamay, ayon sa Quezon City Fire Department.
Nasunog din sa insidente ang pera ng isa nilang anak. Naisalba naman ang ilang mga damit at gamit ng pamilya.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang kabuuang halaga ng pinsala sa sunog. RNT/JGC