MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na hindi na papayagan makapasok ang magpinsang sina Urdaneta city mayor Julio Parayno Jr. at vice mayor Jimmy Parayno matapos kordonan ng mga tauhan ng PNP at DILG ang luma at bagong city hall ng Urdaneta City, Pangasinan para tiyaking hindi na makakapasok ang magpinsan sa city hall.
Ito’y makaraang ipag-utos ni DILG Secretary Jonvic Remulla kay DILG region 1 director Jonathan Leusen ang execution sa utos ng Malakanyang na 1-year suspension laban sa kanila kaugnay ng kasong grave misconduct at grave abuse of authority.
Nabatid na nakasaad sa ipinalabas na kautusan ni Secretary Remulla, na huwag papasukin sa city hall at extention office ng Urdaneta City ang mga Parayno.
Nakarating kasi ang report kay Sec. Remulla na kahit na naigawad ng DILG ang suspension order ng Malakanyang sa magpinsang Parayno noong Enero 7 ngayong taon ay patuloy pa ring pumapasok sa city hall ang mga Parayno hanggang kahapon.
Sinabi sa ulat na nang malaman ni Sec Remulla ang pag-isnab ng mga Parayno sa utos ng Malakanyang ay agad na naglabas ng 10 araw na ultimatum ang kalihim para sundin ang 1 year suspension order.
Noong Enero 3, 2025 ay iniutos ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa DILG na ipatupad ang 1 year suspension order matapos mapatunayang guilty sa kasong grave abuse of authority at grave misconduct ang magpinsang Parayno nang ilegal na palitan sa puwesto si punong barangay Michael Brian Perez bilang presidente ng liga ng mga barangay noong 2022 at palitan ng pinapanigang indibidwal.
Kaugnay nito, sinabi ni Atty Romeo Benetiz, Usec for Legal Affairs ng DILG, wala nang hurisdiksyon ang mga Parayno na gumanap sa kanilang posisyon mula Enero 7 nang igawad ng DILG ang suspension order laban kanila kaya pag-aaralan anya ng DILG ang iba pang mga kasong maaaring isampa kaugnay sa paglabas ng mga kautusan at pagpirma sa mga dokumento sa loob ng mga araw ng kanyang suspension.
Una nang sinabi ni Secretary Remulla na naabisuhan na ng DILG ang Commission on Audit, Land Bank at lahat ng ahensiya na legally ay hindi na maaaring pumirma ang mga Parayno ng anumang dokumento.
Samantala, itinalaga ng DILG na acting mayor at acting vice mayor sina first councilor Franco del Prado at 2nd councilor Warren Andrada na pansamantalang pumalit sa puwesto ng mga Parayno. Santi Celario