Home NATIONWIDE Serbisyo ng Prime Water sa SJDM pinaiimbestigahan ni PBBM

Serbisyo ng Prime Water sa SJDM pinaiimbestigahan ni PBBM

269
0

SAN JOSE DEL MONTE CITY, BULACAN — Iniutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang isang masusing imbestigasyon kaugnay ng sunod-sunod na reklamo at kilos-protesta laban sa palpak na serbisyong tubig ng PrimeWater Infrastructure Corporation sa San Jose Del Monte City (SJDM), Bulacan.

Ayon kay Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, walang puwang sa administrasyong Marcos ang pagkukulang sa pangunahing serbisyo tulad ng tubig.

“Ang pangangailangan po ng tao sa malinis na tubig, sapat na supply ng tubig ay hindi dapat pangnegosyo lamang kundi ito ay dapat kinakalinga ang pangangailangan ng taumbayan,” ani Castro sa press briefing sa Malakanyang.

Batay sa ulat ng mga grupong gaya ng People’s Rights Network, Alliance for Consumer’s Protection (ACP), Water for the People Network (WPN), Koalisyong Makabayan, Gabriela, Bayan Muna, Kabataan Party-list, Migrante Philippines, at iba pang lokal na samahan sa SJDM, matinding perwisyo ang dinaranas ng mga residente mula nang pumasok sa joint venture ang PrimeWater at San Jose Del Monte Water District noong 2018.

“Tubig o tulog” umano ang araw-araw na dilema ng mga residente, dahil kailangan nilang pumila magdamag upang makapag-igib ng tubig, sa gitna ng madalang at maruming daloy, at mataas na singil sa serbisyo.

Nanawagan ang mga grupo ng mga sumusunod:

Ibalik sa lokal na water district ang pamamahala sa serbisyo ng tubig sa SJDM.

Maglaan ng trabaho at kabuhayan para sa mga taga-San Jose, palawakin ang suporta sa maliliit na negosyo at agrikultura.

Tutulan ang land conversion ng mga agrikultural na lupa at isulong ang katiyakan sa pagkain.

Hinimok rin nila ang publiko na huwag iboto ang mga kandidatong may kaugnayan sa pribatisasyon ng serbisyo sa tubig at sa mga maka-kapitalistang polisiya na umano’y nagpapayaman lamang sa iilan.

Sa kabila ng mga batikos, tila nagbigay pa ng ‘benefit of the doubt’ si Castro kay Camille Villar, senatorial candidate ng administrasyon sa ilalim ng Alyansa. Ang PrimeWater ay konektado sa pamilyang Villar, isang kilalang burgesyang komprador.

“If we will have this trust on her, well, we have to give to her but she should prove that she could perform as a leader,” wika ni Castro.

Sa kasalukuyan, 161 water districts sa buong Pilipinas ang hawak ng PrimeWater sa ilalim ng joint venture agreements, na kinakaharap rin ng sari-saring reklamo kaugnay ng serbisyo, gaya ng sa SJDM. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here