MANILA, PHILIPPINES — Nakaalerto ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) matapos muling pumutok ang Mt. Bulusan noong Martes ng gabi, Abril 29. Inatasan ni Secretary Rex Gatchalian ang Field Office 5–Bicol Region ng ahensya na magtrabaho nang mas doble upang matugunan ang pangangailangan ng mga naapektuhan ng aktibidad ng bulkan.
Ayon kay Assistant Secretary Irene Dumlao, tagapagsalita ng DSWD, nakahanda na ang mga logistics at relief supplies ng ahensya sa mga apektadong lugar. “Nakalagay na ang logistics at relief supplies ng DSWD Bicol Region sa mga lugar na naapektuhan ng huling pagsabog,” pahayag ni Dumlao.
Bilang tugon sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., dumiretso si Secretary Gatchalian sa Sorsogon upang tiyakin na ang DSWD ay nakapag-preposisyon ng sapat na family food packs (FFPs) at iba pang relief items sa Rehiyon ng Bicol. Ayon sa DSWD, mahigit 180,000 kahon ng FFP ang nakahanda na, bukod pa sa 20,000 FFP na naipamahagi na sa mga apektadong pamilya sa Sorsogon.
Sa kasalukuyan, ang ahensya ay nagbigay ng Php15.7 milyon halaga ng humanitarian assistance na binubuo ng mga pagkain at hindi pagkain sa mga lokal na pamahalaan ng mga apektadong lugar.
Batay sa pinakahuling ulat ng Disaster Response Operations Management, Information, and Communication (DROMIC) ng DSWD, umabot na sa 20,996 pamilya o 98,315 indibidwal ang naapektuhan ng bulkan. Sa kasalukuyan, may 339 pamilya o humigit-kumulang 1,271 katao ang pansamantalang naninirahan sa apat na evacuation centers.
Pinaalalahanan naman ng DSWD ang mga apektadong mamamayan na manatiling mapagmatyag at gumamit ng mga protective mask o basang tela upang maiwasan ang paglanghap ng abo mula sa bulkan. Santi Celario