Home NATIONWIDE MPD todo-handa na sa inaasahang Labor Day protests

MPD todo-handa na sa inaasahang Labor Day protests

MANILA, PHILIPPINES — Kasado na ang pamunuan ng Manila Police District (MPD) sa mga inaasahang kilos protesta bukas, Labor Day, o Mayo Uno. Sa panayam kay MPD Director P/Brig. General Benigno Guzman, sinabi niyang mahigit 3,000 kapulisan ang kanilang ide-deploy sa mga lugar na maaaring pagdausan ng mga protesta ng mga militanteng grupo at iba pang sektor mula sa pribado at pampublikong sektor.

Ayon kay Guzman, kabilang sa mga lugar na posibleng pagdausan ng mga rally ay ang Liwasang Bonifacio, Mendiola, at Plaza Miranda. Magkakaroon din ng deployment ng mga tauhan sa labas ng Department of Labor and Employment (DOLE), kung saan inaasahan na may magpoprotesta rin upang magpahayag ng kanilang mga panawagan.

“Yung DOLE meron din tayo (deployment) diyan dahil Labor Day nga, posibleng meron ding magtutungo doon para magprotesta,” wika ni Guzman.

Ang hakbang na ito ay layong matiyak ang kaayusan, kapayapaan, at seguridad sa pagdiriwang ng Labor Day, na isang mahalagang araw para sa mga manggagawa sa bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden