CEBU, PHILIPPINES — Ipinahayag ng Malakanyang na simula Mayo 1, maaaring makinabang ang lahat ng residente sa lalawigan ng Cebu sa P20 kada kilong bigas sa pamamagitan ng Kadiwa stores, bilang bahagi ng pilot rollout ng rice subsidy program ng pamahalaan.
Nilinaw ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing na hindi lamang ang mga indigent o vulnerable sectors ang sakop ng programang ito, kundi bukas ito para sa buong publiko.
“Hindi po pili. Lahat po ng maaaring mag-avail po nito ay allowed po; hindi po ito limited lamang sa vulnerable sector,” ani Castro. “Bukas po, lahat ay puwede pong mag-avail sa Kadiwa stores sa Cebu.”
Ang rice subsidy program ay isa sa mga pangunahing pangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na layong mailapit sa mas maraming Pilipino ang abot-kayang bigas.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr., tatagal ang pilot implementation hanggang Disyembre 2025, at inaasahang mass rollout nito sa 2026. Kabilang sa mga hakbang na kinukonsidera para sa full implementation ang pagbuo ng software system at identification card system upang masubaybayan ang dami ng bigas na nabibili ng bawat benepisyaryo.
Tiniyak din ng Department of Agriculture (DA) na puspusan na ang paghahanda upang masigurong organisado at sustainable ang pagpapatupad ng naturang programa. Kris Jose