MANILA, Philippines – Nanawagan si labor leader Leody De Guzman sa pamahalaan na agad tulungan ang mga magsasakang naapektuhan ng phreatic eruption ng Bulkang Bulusan na sumira na ng pananim dahil sa ashfall.
Itinaas ng Phivolcs ang alerto sa Level 1.
“Bagamat wala pang direktang banta sa buhay ng mga tao sa paligid ng bulkan, tiyak akong malaki na ang pinsala ng ashfall pa lang sa kanilang kabuhayan. Hindi na mapapakinabangan ang mga bagong aning palay at iba pang pananim,” ani De Guzman sa pahayag na ipinadala sa media.
Hiniling din niya ang price freeze sa mga pangunahing bilihin sa Irosin, Juban, at Magallanes, at pinagbantaan ang mga posibleng manamantala.
Aabot sa 74,000 katao ang naapektuhan, habang 19 pamilya ang nasa evacuation centers.
Iminungkahi ni De Guzman ang agarang pagbuo ng Task Force Bulusan na binubuo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang mas epektibong tugunan ang krisis.