MANILA, Philippines – Naging top choice si Senator Christopher “Bong” Go sa hanay ng mga senador sa pinakahuling survey na isinagawa ng Tangere, isang polling firm na sumusukat sa senatorial preferences mula Abril 29 hanggang Mayo 3, 2025.
Nanguna si Go sa karera na may 62.8 porsiyento, patunay ng kanyang katanyagan sa buong bansa, ilang araw na lang bago ang halalan.
Ang resulta ay nagmarka ng isang makabuluhang pag-akyat mula sa nakaraang survey ng Tangere na isinagawa mula Abril 22 hanggang 25, kung saan nakakuha siya ng 59.3 porsiyento—na nagbibigay-diin sa isang matatag at napapanatiling pataas na trajectory sa suporta ng publiko saq kanya.
Bilang reaksyon sa pinakahuling mga numero, nagpahayag si Go ng labis na pasasalamat sa patuloy na suportang patuloy niyang natatanggap mula sa sambayanang Pilipino. Binalangkas ang resulta ng survey bilang panibagong mandato para sa serbisyo publiko.
“Maraming, maraming salamat sa aking mga kababayan sa inyong patuloy at mas lalong lumalakas na suporta at tiwala sa akin bilang inyong senador. Malaking bagay para sa akin ang mas lalong pagtaas ng aking rating na siyang nagbibigay ng dagdag na lakas at inspirasyon bilang inyong lingkod-bayan,” sabi ni Go.
“Sipag, malasakit at more serbisyo—ito ang aking panata sa bayan na gagawin ko sa abot ng aking makakaya,” dagdag ni Go.
“Magseserbisyo ako ng tapat at may tunay na malasakit dahil bisyo ko na ang magserbisyo.”
Sa isa pang survey na isinagawa ng parehong polling firm, lumabas din si Go bilang most highly rated incumbent senator sa 19th Congress. Ang kamakailang nationwide survey ay isinagawa ng research firm na Tangere noong Mayo 2 hanggang 3.







