MANILA, Philippines- Tiniyak ng Malakanyang na hindi maaapektuhan ang programa ng gobyerno lalo na ang P20 kada kilo ng bigas dahil sa resulta ng Eleksyon 2025.
Sa press briefing sa Malakanyang, tinanong si Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro kung may nakikitang anumang problema ang gobyerno sa implementasyon ng P20 kada kilo ng bigas sa Visayas region kasunod ng pagkatalo ni Gwendolyn ”Gwen” Garcia sa 2025 Cebu gubernatorial race.
“Hindi po natin nakikita na ito ay makakaapekto dahil tandaan natin, ang serbisyo naman po sino man po ang nakaluklok diyan ay para sa taumbayan so hindi po dapat gamiitn kung nanalo o natalo ang mga kandidato,” ang sinabi ni Castro.
”Ito po ay para sa taumbayan so dapat po sana ang lahat ng maaaring makatulong sa kanilang mga constituents ay maging bukas ang kanilang isip, bukas ang kanilang puso sa pagtaguyod ng mga programang ito,” dagdag na pahayag ni Castro.
Matatandaang sa Cebu unang ipinatupad ang pagbebenta ng murang bigas dahil suportado umano ng lokal na pamahalaan doon.
Nitong halalan, natalo si incumbent Governor Gwen Garcia ng kandidatong dinala ng mga Duterte na si Governor-elect Pamela Barcuatro.
Kaugnay nito, inanunsyo ni Castro na nagsimula na rin ang pagbebenta ng P20 kada kilo ng bigas sa Metro Manila sa pamamagitan ng Kadiwa Centers, araw ng Martes, Mayo 13.
Bukas naman aniya ay magiging available na rin ito sa iba pang Kadiwa Centers sa ilang lalawigan partikular sa Bulacan, Cavite, Mindoro at Rizal. Kris Jose