BAGGAO, Cagayan — Pinaglalamayan na ngayon ng kanyang pamilya at mga kaanak ang isang 16-anyos na binatilyo matapos siyang pagtatagain ng isang 30-anyos na magsasaka, sa Barangay Agaman Proper, Baggao, Cagayan.
Ayon kay PLt. Col. Noriel Lacangan, Officer-in-Charge ng Baggao Police Station, matagal nang may alitan ang biktima, na itinago sa pangalang Cris, at ang suspek na pansamantalang kinilalang Popoy. Umano’y matagal nang sigalot sa mga punong saging ang naging ugat ng kanilang hindi pagkakaunawaan.
Sa ulat ng pulisya, naaktuhan umano ng suspek ang biktima habang kumukuha ng bunga ng saging. Sa puntong iyon, bigla umanong “nagdilim ang paningin” ng suspek dahil sa galit. Ayon sa imbestigasyon, bumalik sa kanyang alaala ang isang lumang kaso kung saan siya umano ang ninakawan, ngunit siya pa ang nasampahan ng kasong physical injury.
Sakay ng isang kulong-kulong at armado ng itak na tabas, tinugis ng suspek ang biktima at walang awa itong pinagtataga, na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Agad isinagawa ang isang manhunt operation, kung saan naaresto rin kaagad ang suspek. Siya ay nasa kustodiya na ng pulisya at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso. Rey Velasco