MANILA, Philippines – Target ng gobyerno na bawasan ang pag-asa ng Pilipinas sa pag-export lamang ng raw minerals at palakasin sa halip ang local processing upang mas mapakinabangan ang economic value ng mga yamang mineral ng bansa, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Sinabi ni DENR Assistant Secretary for Mining Concerns Michael Cabalda na may potensyal ang Pilipinas na maging pangunahing player sa global critical minerals supply chain dahil sa laki ng mineral resources nito.
Ayon sa kanya, hindi sapat na magmina at mag-export lamang ng raw minerals, lalo na’t tumataas ang pandaigdigang demand para sa mga mineral na ginagamit sa clean energy at advanced technologies.
Binanggit ni Cabalda ang Executive Order No. 122, na nilagdaan noong Agosto, na nagtatakda ng national policy framework para sa domestic processing, value addition at industrialization ng critical minerals sector.
Aniya, layunin ng gobyerno sa natitirang dalawa’t kalahating taon ng Marcos administration na makapagtatag muna ng sapat na kapasidad para sa local mineral processing bago umusad sa paggawa ng mas mataas na value-added products.
Sa ilalim ng EO 122, itinuturing na national priority projects ang critical minerals at hinihingi ang koordinasyon ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Tinalakay rin sa Mining Philippines 2026 International Conference and Exhibition ang potensyal ng nickel at battery supply chain.
Batay sa datos na inilahad sa conference, maaaring umabot sa humigit-kumulang US$50 bilyon ang halaga ng nickel at aluminum downstream industries kasama ang lithium battery components pagsapit ng pagtatapos ng taon.
Sinabi rin na posibleng makalikha ng hanggang limang beses na mas maraming trabaho kung mas maraming investment ang ililipat mula simpleng smelting patungo sa mas advanced na metallurgical processing.
Samantala, sinabi ng DENR na patuloy nitong tutuparin ang umiiral na mga kontrata, iiwas sa biglaang pagbabago sa regulasyon at makikipag-ugnayan sa ibang ahensya upang makahikayat ng investment sa sektor.
Kabilang sa mga tinukoy na critical minerals ang gold, silver, copper, molybdenum, nickel, cobalt, iron, chromium, limestone at silica. Santi Celario