MANILA, Philippines – Handa ang Senado na magtrabaho hanggang Pasko kung kinakailangan upang matiyak na maipapasa at mararatipikahan bago matapos ang taon ang panukalang 2027 national budget.
Ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian, masikip ang legislative calendar dahil kasabay ng budget deliberations ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
“Kaya kahit na Pasko, magtatrabaho kami para matapos yung budget,” ani Gatchalian.
Sa tentative schedule, uunahin ng Senado ang impeachment trial sa pagbabalik ng session sa Nobyembre 9 bago pansamantalang ihinto ang proceedings upang bigyang-daan ang plenary deliberations sa budget.
Sinabi ni Gatchalian na posibleng maglaan ang Senado ng isa hanggang dalawang linggo para sa budget debates bago bumalik sa impeachment trial kung hindi pa tapos ang presentation ng defense.
Pagkatapos ng plenary deliberations, inaasahang magpupulong ang bicameral conference committee upang plantsahin ang pagkakaiba ng bersyon ng Kamara at Senado.
Inamin din ni Gatchalian na maaaring maging mahirap ang bicameral negotiations dahil sa malalaking pagkakaiba sa budget proposals ng dalawang kapulungan.
Posible rin umano ang problema sa quorum sakaling magsabay ang bicameral conference at impeachment proceedings.
Gayunman, sinabi ni Gatchalian na target pa ring magkaroon ng kompromiso upang maipasa ang national budget bago matapos ang 2026.
Binigyang-diin niya na mahalaga ang agarang pagpasa ng budget upang matiyak ang pondo para sa public services at development projects ng gobyerno. RNT