MANILA, Philippines – “Very happy” si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte nang malaman at marinig ang resulta ng midterm polls ngayong taon.
Nanalo kasi siya at ang kanyang pamilya sa Davao City, habang may sapat na kaalyado naman sa Senado ang maaaring makapagbigay ng proteksyon kay Vice President Sara Duterte mula sa impeachment.
Si Bong Duterte, nakababatang kapatid ni Digong Duterte ay kasalukuyan ngayong nasa The Hague, kung saan hindi lamang niya nakita ang kanyang kapatid kundi maging sina dating presidential spokesperson Harry Roque at Filipino supporters ay nakita at nakausap din nito.
“He is doing well. Medyo malungkot lang because he cannot… ‘yung sa outside world talaga kung ano nangyayari. So, I have to brief him about the elections, the outcome ng elections, both the local and national,” ang sinabi ni Bong Duterte.
“And he is very happy. I told him you got an overwhelming vote as mayor of Davao. So, masayang-masayang siya,” dagdag na wika nito.
Si Digong Duterte ay nakakuha ng 659,557 boto laban sa kanyang katunggali na si dating Cabinet secretary Karlo Nograles, na may 80,426 boto.
Ipinaalam din ni Bong sa kanyang kapatid na mga kamag-anak ng Duterte kabilang na sina Davao City Vice Mayor Sebastian “Baste” Duterte, Davao City Rep. Paolo Duterte, Omar Duterte, at iba pa, lahat ay nanalo sa kani-kanilang posisyon.
Sa kabilang dako, masaya rin ang dating Pangulo sa kinalabasan ng national polls, kung saan tatlo sa kanyang “DuterTen” bets na sina Senador Bong Go at Ronald Dela Rosa at SAGIP Partylist Rep. at incoming Senator Rodante Marcoleta— ang nanalo. Kasama rin sa nanalo ang kanyang personal choices na sina Senator Imee Marcos and Rep. at Las Piñas Rep. at incoming Senator Camille Villar.
Sinabi ni Bong kay Digong Duterte na may ilang senador ang nagpalit na ng kanilang suporta.
“Kaya ang masasabi ko, overall, do not worry because I think ang support din nila kay VP Sara,” ayon kay Bong Duterte.
“Well, I think para din sa atin. Overall, nangyari sa national, halos natanggal ‘yung mga, alam mo na sa Congress,” aniya pa rin. Kris Jose