ILOILO CITY- NILAPATAN ng lunas sa ospital ang mag-asawa matapos saksakin ng umano’y adik na kapitbahay makaraan mahuli ng huli ang mga biktima na kinukuhanan ng video habang sumisinghot ng shabu, iniulat kahapon, Mayo 15 sa Molo City.
Kinilala ang mga biktimang sina si Rolando Gailo, 58 at misis nitong si Fatima, 54, kapwa residente ng Brgy. East Baluarte, ng nasabing lungsod.
Nakakulong naman sa lock-up cell ng Molo Police Station-4, si Elesio Zabalate, 60 habang tugis ang anak nitong si Erwin Zabalate, 28, pawang nakatira sa nasabing lugar at kapwa nahaharap sa kasong frustrated murder.
Batay sa report ng pulisya, naganap ang insidente noong Martes Mayo 13, 2025 sa nasabing lugar.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, naaktuhan umano ng mag-asawa ang ginagawang pot session ng suspek kaya kinuhanan nilang ito ng video.
Subalit, nahuli umano sila ng suspek kaya pumasok ito ng kanilang bahay kumuha ng kutsilyo saka pinag-uundayan ng saksak ang mga biktima sa iba’t ibang parte ng katawan.
Sa halip na isuko ng matandang Zabalate ang anak tinulungan na pa umano nitong makatakas.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang follow-up investigation ng pulisya hinggil sa nasabing insidente. Mary Anne Sapico