MANILA, Philippines – “Bato-bato sa langit, ang tamaan ay huwag magalit.”
Ito ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang bilang tugon sa naging pahayag ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na hindi haharang ang Duterte bloc sa mga programa at batas na itinutulak ng administrasyon subalit ang gusto lamang ng mambabatas ay magandang samahan, magandang pagtutulungan na hindi sinimulan sa pagbabanta o babala sa mga senador.
“With all due respect to Senator Bato dela Rosa, bato-bato sa langit, ang tamaan ay huwag magalit. Unang-una po, wala tayong pinapangalanan kung sino man, ito po ay pangkalahatan. Ang nais po natin sa taumbayan ay huwag maging obstructionist para magtuluy-tuloy po ang magagandang proyekto at programa ng Pangulo at ng administrasyon,” ang sinabi ni Castro.
Binigyang diin pa ni Castro na wala silang pagbabanta sa mga senador.
Sana lamang aniya ay mapakinggan man lang ng senador ang kanyang mga sinabi para maiba naman ang impresyon at tugon nito.
“Sana lang iyong mga words na aking nasabi para siguro po maiiba ang kaniyang impresyon at ang kaniyang tugon. Kung narinig niya iyong buo kung sinabi, ang sabi natin, ang mga lehitimong oppositionists ay welcome dahil kailangan po iyan sa isang demokratikong bayan,” ani Castro sabay sabing, “Ang atin lamang hahadlangan ay iyong mga obstructionists na walang ginawa kung hindi manira at kahit maganda ang proyekto ay hahadlangan. At hindi po iyan magiging maganda para sa bansa at para sa taumbayan.”
Nauna rito, inihayag ng Malakanyang na bukas si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pakikipagtulungan sa mga lehitimong oposisyon ngunit handang labanan ang mga tinaguriang “obstructionists” na inuuna lamang ang pansariling interes.
Umaasa aniya ang Pangulo na ang mga nanalong kandidato sa Eleksyon 2025 ay tututok sa kapakanan ng taumbayan anuman ang kanilang kulay sa pulitika.
Ani pa ni Castro, tinatanggap ng administrasyon ang mga oposisyon na tunay na nagtataguyod sa interes ng bansa.
Subalit ang mga obstructionist na ginagamit lamang ang pagiging oposisyon bilang dahilan upang sirain at kontrahin ang pamahalaan ay hindi kukunsintihin.
Ayon naman kay Pangulong Marcos, ang pamumuno ay isang responsibilidad na dapat pinagsasaluhan, kung kaya’t iniimbitahan niya ang lahat ng bagong halal na lider na magkaisa tungo sa iisang layunin—ang kapakanan ng sambayanan. Kris Jose