MANILA, Philippines – INAASAHAN na ng Malakanyang na sasabihin ni dating presidential spokesperson Harry Roque na siya ay biktima ng political persecution ng Marcos administration kasunod ng inisyung arrest order laban sa kaniya ng Angeles Court para sa kasong qualified human trafficking na may kaugnayan sa POGO hub sa Pampanga.
“Iyan po naman talaga ang kaniyang magiging naratibo, kaniyang depensa pero hindi po niya sinasagot nang mabuti kung nasaan nga ba iyong mga dokumentong kaniyang ipinangako sa House of Representatives at that time na nagkaroon po hearing sa QuadCom,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
“Hindi po niya natutugunan iyon at kung anuman iyong mga sinasabing diumano hidden wealth niya ay hindi pa rin niya po natutugunan so paano po kaya magkakaroon ng political persecution? At tandaan po natin, korte mismo ang nag-issue ng valid warrant of arrest patungkol po sa kaso ng qualified human trafficking,” ang sinabi ni Castro.
Sa ulat, sinabi ni Roque na kaya siya pine-persecute ng kasalukuyang gobyerno ay dahil ka-alyado siya ng mga Duterte.
Kaya nga, handa niyang gawin ang lahat ng legal remedies para masiguro ang kaniyang kaligtasan at kalayaan.
Gagamitin niya raw ang arrest warrant na ito na dahilan para palakasin pa ang asylum request niya sa The Netherlands.
Maliban kay Roque, pina-aaresto rin ng Korte si Cassandra Li Ong.
Sa kabilang dako, sinabi ni Castro na makabubuti na abangan na lang ng lahat ang anumang magiging aksiyon ng pamahalaan sa pamamagitan ng DOJ kaugnay kung kagyat na makikipag-ugnayan sa Interpol para mapauwi sa Pilipinas si Roque.
Sa ulat, may sinabi kasi si Roque na sa ngayon hindi siya puwedeng maipa-deport pabalik sa Pilipinas dahil ayon daw sa international law, mayroon pa kasi siyang petition for asylum. Malinaw na naka-pending pa sa The Netherlands.
“Of course, mayroon pong ganiyan na sinasabi patungkol sa karapatan na huwag muna siyang dalhin sa bansa kung saan may kaso pero ito po ay kung may maipapakita pong harassment. Kung wala po siyang mapapakitang harassment mula sa gobyerno at mapapatunayan na ang mga kasong ito ay legal na nasampa at may mga basehan para siya ay maisyuhan ng warrant of arrest, hindi po tayo maniniwala na hindi siya maaaring dalhin sa Pilipinas,” aniya pa rin.
Samantala, sinabi ni Castro na malabong sabihin na ‘untouchable’ si Roque dahil lamang sa naka-pending na request nito na political asylum.
“Siya po ang nagsampa ng kaniyang petition for asylum. So dapat po, para hindi po siya naaresto, since mayroong valid warrant of arrest na inisyu ng ating bansa, siya po ang dapat magpatunay na ang pagkuha sa kanya gamit man ang Interpol o kooperasyon sa Interpol, siya ang magpatunay ang pagdala dito sa Pilipinas ay because or mere harassment,” ang sinabi ni castro.
“So, may kondisyon po iyon, hindi po iyon statement na hindi ka puwedeng hulihin basta-basta, eh kung mayroon naman pong valid warrant of arrest at may kaso siyang dapat kaharapin, hindi po siya dapat magtago sa kaniyang petition for asylum,” dagdag na wika nito. Kris Jose