MANILA, Philippines- Binaligtad ng Court of Appeals (CA) ang desisyon ng regional trial court (RTC) na makalaya ang Australian fugitive na si Gregor Johann Haas na pinaniniwalaang miyembro ng notoryus na Mexican Sinaloa drug cartel.
Nakasaad sa desisyon ng appelate court na nagkaroon ng abuse of discretion ang mababang korte nang payagan nito na makalaya si Haas.
Sinabi ng CA na hindi sapat para mapalaya ang isang tao ang muli nitong pagkuha ng Filipino citizenship nang walang nakabinbing kaso.
“The case laws require not just any reason, but superior circumstances demanding urgency which will outweigh the injury or damage,” nakasaad sa desisyon.
Iginiit ng CA na kwestiyonable rin ang pagkuha muli ni Haas ng kanyang citizenship dahil nanumpa ito bilang Filipino isang linggo matapos maaresto.
Si Haas ay pasok sa Red Notice ng International Criminal Police Organization (Interpol) bunsod ng reklamo ng Indonesian authorities. Si Haas ay inakusahan ng Indonesian authorities na nagtangkang magpuslit ng ilegal na droga na itinago sa floor ceramic mula Guadalajara, Mexico patungo Indonesia.
Lumutang ang pangalan ni Haas kasunod ng mga ulat na nais ng Indonesian government na maging kapalit ni Haas si dating Bamban Mayor Alice Guo.
Magugunita na May 15, 2024, naaresto si Haas sa Poblacion, San Remigio, Cebu ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) sa pakikipag-ugnayan sa United States Drug Enforcement Agency at Philippine Naval Intelligence and Security Group. Teresa Tavares