Home OPINION PRODUKSYON SA BIGAS PALAKASIN NANG TODO

PRODUKSYON SA BIGAS PALAKASIN NANG TODO

107
0

UPANG maging tuloy-tuloy at hindi panghalalan o anopaman ang programang P20/kilong bigas, dapat na palakasin ang produksyon ng bigas sa buong bansa.

ANG P20/KILONG BIGAS

Lumalabas na napakaliit na porsyento ng mga mamamayan ang magiging benepisyaryo ng programang ito dahil hanggang nasa apat na milyong katao lamang mula sa mahigit nang 110 milyong Pinoy.

Pangunahing makikinabang lamang dito ang mga senior citizen, people with disabilities, miyembro ng 4Ps at single parents.

Hanggang 30 kilo lang kada buwan ang pupwede nilang bilhin.

Hindi rin magtatagal ang suplay nito dahil ilalako lang ang malapit nang mabukbok na bigas na binili ng National Food Authority sa anihan noong 2014.

Isa pa, bahagi ito ng hawak ng NFA na nasa 358,000 tonelada o 7.17 milyong kabang bigas at para sa 9-10 araw lang na pangangailangan ng lahat ng Pinoy sakaling magkakrisis sa suplay.

Base sa nabanggit nating kalagayan ng programa, maliit na bagay ito ngunit labis na pinalolobo ng mga nasa pamahalaan sa pagsasabing dumating na ang katuparan ng pangakong P20/kilo ni Pangulong Bongbong Marcos.

PINAKAMALAKING IMPORTER SA MUNDO

Heto ang hindi magandang balita ngayong Mayo 2025.

Sinabi ng United States Department of Agriculture na pinakamalaking importer ng bigas ang Pilipinas sa 2026 at aabot ito sa 5.5M tonelada sa 2026.

Unang-una, 12M tonelada umano ang produktong bigas natin ngayong 2025 at posibleng lalaki ito sa 12.3M tonelada sa 2026.

Pero ang kailangan umano natin ang 17.3M tonelada ngayon taon at 17.7M tonelada sa 2026.

Lumalaki ang konsumo natin sa bigas dahil sa sipag nating gumawa ng bata o nasa 2M kada taon at turismo.

KUMOKONTI

Ayon naman sa ating Department of Agriculture, batay sa balita ng USDA, magiging malaki umano ang ani ngayong taon na aabot sa 20.46M tonelada at katumbas ito ng 12.89M toneladang bigas.

Kaya naman, maaaring lumiit ang aangkatin nating bigas na maglalaro sa 3.6M hanggang 4M tonelada taon-taon.

Pero kailangang mag-import tayo ng 3.5M para hindi tayo daratnan ng malawakang gutom.

Subalit paano kung darating ang mga sunod-sunod na mapaminsalang bagyo at baha na pumapatay at naglulubog sa putik sa mga palay, na totoo namang nangyayari taon-taon?

PRODUKSYON PALAKASIN

Ang mabuti pa, dapat tipunin ng pamahalaan ang lahat ng lakas nito para gumanda ang ani.

Una, tigilan ang kumbersyon ng lupang sakahan sa mga proyektong komersyal at industriyal at hindi korapin ang mga pondo sa anti-flood control project .

Ikalawa, dapat palawakin at kambalan ng maayos na irigasyon na makatitiyak ng dalawang beses na anihan sa loob ng isang taon.

Ikatlo, kailangang ayudahan sa pinansya, makinarya at teknolohiya ang mga magsasaka.

Ikaapat, dapat panatilihin ng NFA ang pagbili sa rasonableng halaga sa mga palay ng mga magsasaka.

Ikalima, tiyaking may sapat na kalsada patungo sa mga sakahan, kiskisan at palengke ang mga magsasaka.

Ikaanim, tiyaking may magandang imbakan at hindi masira sa tag-ulan ang palay at bilaran at hindi sa mga kalsada na sinisira ng mga dumaraang sasakyan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here