
PAG-IBIG at pagbabalik-Diyos.
Pinakasentro sa mga adbokasiya ni ex-Cardinal Robert Francis Prevost o Pope Leo XIV ngayon ang pagpapalaganap ng pag-ibig at pagbabalik-Diyos o Kristiyano, partikular ang pagbabalik-Katoliko, ng dumarami nang humihiwalay o hindi aktibo sa Simbahang Katolika.
Sa kanyang pahayag sa unang misa na kanyang pinangunahan sa St. Peter’s Cathedral nitong nagdaang araw, pag-ibig ang magiging gabay niya sa pagpapalaganap at pagpapaunlad ng Kristiyanismo o Katolisismo sa partikular.
Makaraang isuot sa kanya ang singsing ng mangingisda ng ating Kardinal na si Luis Antonio Tagle, sinabi Pope Leo na mangingisda siya mula sa katubigan ng mga demonyo at kamatayan bilang kanyang misyon.
Ngunit sa kanyang pangingisda, hindi niya ito daraanin sa pwersa, propagandang panrelihiyon o kapangyarihan kundi sa pag-ibig.
Matatandaang galing ang ideyang pangingisda sa bibliya na nagsasabing tinawag at inatasan ni Kristo si Pedro at apat pang iba na dapat silang maging mangingisda ng mga tao para manampalataya sa kanya bilang si Kristo at Anak ng Diyos.
Nangyari ito sa Lawa ng Galilea nang makita ni Jesus ang magkapatid na sina Pedro at Andres na nangingisda sa dalampasigan, at magkapatid ding Santiago at Juan na naghahanda ring mangisda (Mateo 4: 18-22).
Walang anomang iniwan ng apat ang kanilang paghahanapbuhay bilang mangingisda kundi sumunod kay Kristo nagsabing mangisda sila ng tao.
Alalahaning iniulat ng iba na paunti nang paunti ang mga nagsisimba bilang mga Katoliko at dumarami ang nababakante nang mga simbahan, monasteryo at kumbento at ginagawa nang mga hotel o motel, nightclub at paraiso ng mga bagong kasal.
Matatagpuan ang mga ito sa Italy, France, Portugal, Spain, The Netherlands, England, Czech Republic, Colombia, Perú, Puerto Rico, Guatemala, Morocco, Vietnam, Canada, United States, Israel at iba pa.
Tanong: Magtatagumpay kaya si Pope Leo sa pangingisda at gawing mangingisda ang kanyang mga gawain mula sa mga kardinal hanggang sa mga obispo, pari, madre at iba pa?