MANILA, Philippines — Isang barko ng China Coast Guard ang gumamit ng water cannon at sinagi ang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng Pilipinas sa Sandy Cay malapit sa Pag-asa Island sa West Philippine Sea.
Ayon sa BFAR, ang BRP Datu Sanday ay nasira sa harapang bahagi at smokestack matapos itong tamaan ng dalawang beses ng water cannon at sadyang salpukin ng barko ng China. Kasama ang BRP Datu Pagbuaya, sila ay nasa isang scientific mission para kumuha ng sample ng buhangin.
Sa kabila ng insidente, natapos ng mga siyentipiko ang kanilang gawain sa Pag-asa Cays 1, 2, at 3. Ayon sa BFAR, ito ang unang beses na ginamitan ng water cannon ang kanilang research vessel sa nasabing lugar.
Itinuring ng China Coast Guard ang presensya ng mga barkong Pilipino bilang “ilegal na pagpasok” at sinabi nitong ang banggaan ay kasalanan ng Pilipinas. Tumanggi ang China na kilalanin ang desisyon ng Hague Tribunal noong 2016 na nagsasabing walang legal na batayan ang malawak nitong pag-aangkin sa South China Sea.
Patuloy ang tensyon sa rehiyon, kung saan bahagi ng dagat na inaangkin ng China ay itinuturing ng Pilipinas bilang bahagi ng West Philippine Sea. RNT