Manila, Philippines — Isang maswerteng mananaya mula sa Calamba City, Laguna ang nanalo ng ₱64.7 milyon sa MegaLotto 6/45 draw noong Miyerkules, ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ang winning combination ay 23-25-28-19-10-18. Ang nanalo ay may isang taon para kunin ang premyo sa PCSO main office sa Mandaluyong City, na papatawan ng 20% buwis. Kailangan niyang ipakita ang orihinal na winning ticket at dalawang valid ID.
Bukod dito, 92 mananaya ang nanalo ng tig-₱32,000 sa pagkakatama ng limang numero, 3,612 ang nakakuha ng tig-₱1,000 sa apat na tamang numero, at 49,729 ang tumama ng tatlong numero at tumanggap ng tig-₱30.
Ginaganap ang MegaLotto 6/45 draw tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes. Hinihikayat ng PCSO ang publiko na patuloy na suportahan ang kanilang mga laro para makatulong sa mga programang pangkalusugan at iba pang kawanggawa. RNT