Home NATIONWIDE BIR, walang tax clearance sa paglilipat ni Carpio ng shares sa Cale88...

BIR, walang tax clearance sa paglilipat ni Carpio ng shares sa Cale88 Foods

3
0

MANILA, Philippines – Walang tax clearance ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na magpapatunay na nailipat na ni abogado Manases “Mans” Carpio, asawa ni Vice President Sara Z. Duterte, ang umano’y mga shares nito sa Cale88 Foods Corp.

Ito ang inilahad ni dating Rep. Robert Ace Barbers, House impeachment adviser at spokesperson, sa isang press briefing nitong Miyerkules. Ipinaliwanag niyang may buwis ang pagbebenta ng shares ng kumpanya, gaya ng pagbebenta ng lupa.

Ayon kay Barbers, naglabas ang BIR ng negative certification na nagsasaad na wala itong electronic Certificate Authorizing Registration (eCAR) para sa iniulat na pagbebenta ng shares ni Carpio sa Pikimong Pikimong Philippines Corp.

Kailangan ang dokumentong ito upang mairehistro ang paglilipat ng shares at mapatunayang nasunod ang mga kaukulang patakaran sa pagbubuwis.

Sinabi ni Barbers na nagdudulot ng mga katanungan ang kawalan ng eCAR kung kinikilala pa rin si Carpio bilang may-ari ng shares para sa layunin ng buwis at pagpaparehistro.

“In the eyes of the BIR, it can be that Atty. Mans Carpio is still the owner, and Cale88 is still in the 2025 SALN [statement of assets, liabilities, and net worth] of VP Sara,” aniya.

May 47.5 porsiyentong shares si Carpio sa Cale88 bago nawala ang pangalan niya sa 2025 General Information Sheet (GIS) ng kumpanya.

Sa parehong dokumento, nakasaad na ang Pikimong Pikimong ang bagong majority shareholder ng kumpanya.

Sa impeachment trial noong Oktubre, kinumpirma rin ni BIR official Anne Loraine Garcia-Marquez na walang rekord ang ahensya tungkol sa iniulat na paglilipat ng shares.

Ipinaliwanag niya na maaari pa ring maging binding sa pagitan ng mga partido ang bentahan kahit walang eCAR, ngunit hindi maayos na mairerehistro ang paglilipat kung hindi matutugunan ang mga kinakailangan sa buwis.

Ayon kay Barbers, mahalaga ang usapin dahil nakalista pa rin ang Cale88 sa 2025 Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Duterte.

Sinusuri ng prosecution ang mga idineklarang interes sa negosyo ni Duterte bilang bahagi ng Article II ng impeachment case nito na may kaugnayan sa alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here