MALABON CITY, Philippines – Patay ang 22-anyos na lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga suspek habang sugatan naman ang 14-anyos na binatilyong estudyante nang tamaan ng ligaw na bala sa Malabon City, Miyerkules ng gabi.
Kaagad nalagutan ng hininga ang biktimang residente ng C. Plata St. Brgy. Tugatog sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng katawan habang ginagamot naman sa Tondo Medical Center ang binatilyong estudyante matapos mahagip ng ligaw na bala.
Sa ulat ni Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, dakong alas-8:20 ng gabi nang maganap ang insidente sa bahagi ng M.H. Del Pilar St. Brgy. Tugatog.
Lumabas sa imbestigasyon na papasada sana ng e-trike ang biktima para kumita nang dumating ang mga suspek na sakay ng isang motorsiklo at pagbabarilin ito bago mabilis na nagsitakas.
Nahagip naman ng ligaw na bala sa bahagi ng katawan ang binatilyo na nagkataong malapit sa naturang lugar kaya agad siyang isinugod ng kanyang tiyahin sa nasabing pagamutan.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa insidente habang patuloy naman ang follow-up imbestigasyon para sa posibleng pagkakilanlan at agarang pagkakaaresto sa mga suspek. Rene Manahan/Merly Duero