MANILA, Philippines – Pinakiusapan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Health (DOH) na gawing mas accessible sa mga pasyente ang Cancer Assistance Fund (CAF) ng gobyerno.
Binigyang-diin niya ang pangangailangan na tiyakin na ang mga pasyenteng may cancer ay agad na makatanggap ng napapanahon at sapat na tulong para sa kanilang paggamot.
Inatasan din ng Pangulo ang DOH na maglunsad ng pinaigting na information campaign tungkol sa CAF upang mas maraming cancer patients ang maging mulat at magkaroon ng kakayahang mag-avail ng programang nagbibigay ng hanggang P150,000 para sa treatment at diagnostic tests.
“Layunin din natin na mas maraming kababayan ang mabigyan ng tulong na hatid ng Cancer Assistance Fund,” ani Pangulong Marcos sa inagurasyon ng Region 1 Medical Center Cancer Institute sa Dagupan City.
Sa unang episode ng BBM Podcast, ipinahayag ng Pangulo ang pagkabahala sa resulta ng isang survey kung saan marami ang umaasa na sasakupin ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mga top 10 most common diseases sa bansa.
Ayon kay Pangulong Marcos, maraming pasyente ang hindi alam ang tungkol sa CAF kaya hindi nila nagagamit ang benepisyo.
Kaya inutos niya kay DOH Secretary Ted Herbosa na maglabas ng kumpletong listahan ng mga ospital kung saan maaaring magamit ang CAF upang mas marami ang makinabang.
“Inaasahan ko na palalawigin pa ng DOH ang impormasyon ukol dito,” dagdag ng Pangulo.
Ipinag-utos din ng Pangulo sa mga kinauukulang ospital na pabilisin ang pagproseso ng mga aplikasyon ng pasyente para sa CAF.
Maaaring magamit ng cancer patients ang CAF sa 34 DOH-accredited hospitals sa buong bansa, kabilang ang Region 1 Medical Center, sa pamamagitan ng pagpapakita ng kanilang medical abstract, doctor’s prescription, o treatment plan.
Sinabi rin ni Pangulong Marcos na may nakatalagang social worker o personnel sa bawat ospital upang i-assess ang sitwasyon ng pasyente at tulungan sa pag-apruba ng aplikasyon.
Kapag naaprubahan, maaaring gamitin ng pasyente ang financial aid mula sa CAF para sa kanilang paggagamot.
Hinikayat ng Pangulo ang DOH na palawakin pa ang bilang ng mga ospital na accredited sa CAF upang mas maraming pasyente ang matulungan.
“Madagdagan pa sana ang mga ospital na maaaring takbuhan ng ating kababayan para sa programang ito,” ani niya.
Kasama sa mga DOH-accredited hospitals na nagbibigay ng CAF ang Philippine General Hospital at Tondo Medical Center sa Kalakhang Maynila; Baguio General Hospital; Bicol Medical Center; Vicente Sotto Medical Center sa Cebu; Eastern Visayas Medical Center sa Tacloban City; Zamboanga City Medical Center; at Amai Pakpak Medical Center sa Marawi City. Kris Jose