Home NATIONWIDE Mabilis, malayang paghahatid ng tulong sa Gaza ipinanawagan ng Pinas

Mabilis, malayang paghahatid ng tulong sa Gaza ipinanawagan ng Pinas

280
0

MANILA, Philippines – Nanawagan ang Pilipinas para sa mabilis at walang hadlang na paghahatid ng humanitarian aid sa war-torn Gaza, kasunod ng ilang linggong blockade na ipinatupad ng Israel na nagdulot ng malalang krisis at seryosong pag-aalala mula sa international community.

Sa pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA), binigyang-diin ang pangangailangan na ang tulong ay makarating sa mga sibilyan ng Gaza, lalo na sa mga pinaka-mahina tulad ng mga may sakit, kababaihan, bata, matatanda, at mga may kapansanan, nang walang diskriminasyon at alinsunod sa international humanitarian law.

Ani DFA, dapat manatili ang pamamahala ng paghahatid ng tulong sa ilalim ng liderato ng United Nations, na kasalukuyang nahihirapan makapagbigay ng agarang access sa pagkain, gamot, at iba pang pangunahing pangangailangan, na nagreresulta sa “disastrous toll” para sa mga Palestinian.

“Dapat ang humanitarian response ay nakabase sa patas na pagsusuri ng pangangailangan at gabayan ng mga prinsipyo ng neutrality, humanity, at accountability,” dagdag pa ng DFA, na nananawagan para sa “full, safe, rapid, and unhindered” na paghahatid ng tulong sa mga sibilyan sa buong Gaza Strip.

Simula Marso 2, ipinagbawal ang pagpasok ng pagkain, gamot, at gasolina sa Gaza.

Bagamat sinabi ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na pinapayagan ang “basic amount of food,” nilinaw niya na may planong kontrolin ng Israel ang teritoryo.

Pinuna naman ng Britain, France, at Canada ang hakbang ng Israel bilang “denial of essential humanitarian assistance to the civilian population,” at tinawag itong “unacceptable” na maaaring lumabag sa International Humanitarian Law.

Ang kasalukuyang digmaan sa Gaza ay nag-ugat sa sorpresang pag-atake ng Hamas noong Oktubre 7, na nagresulta sa pagkamatay ng 1,200 Israelis at ilang Filipino.

Ayon sa ulat, umabot na sa 53,000 ang namatay, karamihan ay mga sibilyan, at milyon-milyong residente ang napilitang lumikas mula sa teritoryo.

Iginiit ng DFA na lahat ng partido ay dapat suportahan ang United Nations sa pagtupad ng kanilang humanitarian mandate sa Gaza.

“Ang pagprotekta sa operational integrity, independence, at pagiging epektibo ng UN entities ay mahalaga upang mapanatili ang kredibilidad at lehitimasyon ng UN system sa pagtugon sa mga pangangailangang humanitarian sa buong mundo,” ayon sa DFA.

Patuloy din na sinusuportahan ng Pilipinas ang two-state solution, na ayon sa DFA ay ang “only viable path toward a just, lasting, and comprehensive peace in the region,” alinsunod sa UN General Assembly Resolution 181 at iba pang kaugnay na resolusyon ng UN. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here