KASUNOD ng direktiba ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. ay nagsumite nang kani-kanilang courtesy resignation ang mga Cabinet member at mga presidential appointee na mayroong cabinet rank. Malinaw ang mensahe: Panahon na ng rebaluwasyon, reporma, at muling pagtitiyak kung ang bawat isa ay tumutugon sa direksyong nais tahakin ng administrasyon.
Isa itong matapang na hakbang na maaaring magbukas ng mga bagong oportunidad, ngunit maaari ring magdulot ng pangamba lalo na sa mga ahensyang maayos ang pamamalakad.
Matapos nga ang ilang araw ay tatlong kalihim na ang inalis sa kani-kanilang mga puwesto, sina Enrique Manalo ng Department of Foreign Affairs (DFA), Ma. Antonia Yulo-Loyzaga ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Jose Rizalino Acuzar ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).
Si Manalo ay muling babalik sa pagiging permanent representative sa United Nations sa New York, si Yulo-Loyzaga ay tuluyan nang pinagpahinga, habang si Acuzar ay itinalagang presidential adviser on Pasig River Rehabilitation.
Habang pinangalanang bagong kalihim ng DHSUD si Jose Ramon Aliling na dati nang undersecretary ng kagawaran.
Kasunod ng balasahan sa Gabinete ay inaasahan na magkakaroon ng pagbabago sa mga ahensyang nasa ilalim ng DFA, DENR at DHSUD. Ika nga, kapag may bagong hari, may bagong pamamalakad. Hiling lamang ng inyong lingkod sa mga bagong kalihim na ibase ang paglalagay ng mga tauhan gamit ang “performance-based leadership.”
Partikular na sa Pag-IBIG Fund, hindi maikakaila na naging matatag at mahusay ang pamumuno ni chief executive officer Marilen Jean Acosta.
Sa ilalim ng kanyang pamamahala, naitala ang mataas na kita, epektibong serbisyo, at patuloy na pagtugon sa pangangailangan ng mga miyembro lalo na sa pabahay — isang pangunahing mandato ng DHSUD.
Bukod dito, si CEO Acosta na nagmula sa rank-and-file ay mayroong malawak na suporta at respeto mula sa lahat ng mga empleyado ng Pag-IBIG Fund dahil sa kanyang balanseng estilo ng pamamahala.
Nawa sa pag-upo ni Secretary Aliling sa DHSUD ay panatilihin niya sa posisyon si CEO Acosta upang maipagpatuloy ang mga repormang kanyang naumpisahan.
Hindi lahat ng opisyal ay kailangang palitan lalo na kung sila ay may napatunayang may kakayahan, integridad, at tunay na malasakit sa publiko.
Kung ang layunin ni Pangulong BBM ay mas mapabuti ang serbisyo-publiko, dapat ay suriin hindi lamang ang mga posisyon, kundi ang performance at track record ng bawat isa, at sa aspektong ito, malinaw na may matibay na paninindigan at kontribusyon si CEO Acosta na dapat kilalanin at ipagpatuloy sa Pag-IBIG Fund.
Mula noon hanggang sa kasalukuyan, tahimik lamang na nagseserbisyo si CEO Acosta, walang pulitika, kundi ang interes lamang ng mga miyembro. Kaya karapat-dapat siyang manatiling namamahala sa ahensya.
Sino-sino pa kayang kalihim ang magpapaalam? malalaman natin sa mga darating na araw.






