NAGKAKAROON umano ng bitak sa loob ng Armed Forces of the Philippines — at sinisisi ng ilan ang pinuno ng Department of National Defense.
Sa kanyang programa sa radyo, ibinunyag ng batikang komentarista na si Deo Macalma ang lumalalang pagkadismaya sa hanay ng militar. May umiiral, aniya, na pagkabahala sa AFP bunga ng umano’y kahinaan ni Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro Jr.—partikular sa kanyang mga desisyong kaduda-duda, hindi epektibong pamamalakad, at labis na panghihimasok sa mga internal na usapin ng militar.
Hindi ito basta tsismis. Ang pinakahuling Local Absentee Voting para sa AFP at PNP ay nagsiwalat na karamihan sa unipormadong personnel ay bumoto pabor sa oposisyon sa pamumuno ni dating Pangulong Duterte.
Isang malinaw na mensahe ito ng protesta laban sa kasalukuyang administrasyon.
Kapag ang militar na inaasahang neutral ay nagpapahayag ng halos iisang saloobin sa pamamagitan ng balota, dapat itong ikaalarma.
Aba’y may mga ulat ng sibakan sa senior officers nang walang due process, pagbalewala sa mga rekomendasyon ng Board of Generals, at pag-promote sa mga kaduda-dudang personalidad na malapit umano sa kalihim.
Kung mapatutunayan, hindi lamang ito kapalpakan sa pamumuno kundi posibleng paglabag na rin sa batas.
At sa gitna ng mga ulat, kahina-hinala rin ang ukol sa mga “big-time dealers” na madalas “tumambay” sa opisina ng AFPSEMO.
Ang pagiging propesyonal, makatarungan, at tapat sa tungkulin ay inaasahan sa bawat opisyal. Ngunit kung paninira, pagbibigay ng pabor, at ‘power tripping’ na umano ang umiiral, tila kailangan nang muling suriin ang pamunuan ng DND.
May usapin rin ng usurpation of authority — kung sakaling nalamang inaangkin ng kalihim ang mga kapangyarihang eksklusibong nakalaan sa Pangulo o sa Board of Generals. Isa itong seryosong paglabag sa ilalim ng Revised Penal Code.
Bagamat mga alegasyon pa lamang ang mga ito, hindi ito dapat balewalain. Ang mga babalang ito ay hindi lang galing sa isang komentaryo sa radyo — kundi pinagtibay rin ng aktuwal na kilos ng mga sundalo sa balota.
Pinakahuling tagapagtanggol ng ating demokrasya ang AFP. Ngunit kung nabubulok ang loob nito sa dismaya at pulitika, ang tunay na banta ay hindi mula sa labas — kundi mula sa loob.
Para sa kapakanan ng pambansang seguridad, panahon nang tanungin ng Malacañang: Si Secretary Gibo Teodoro pa ba ang tamang tao sa posisyong ito? O, siya na mismo ang bumigat na pasanin na hindi na natin kayang indahin?