UMABOT na sa Php 1.1 trilyon ang kabuuang assets ng Home Development Mutual Fund o mas kilala bilang Pag-IBIG Fund sa pagtatapos ng March 2025. Ang paglago ay bunsod ng mas mataas na kita mula sa mga pamumuhunan at pagtaas ng ipon ng mga miyembro.
Sa nasabing panahon, tumaas ng 41 porsyento ang kabuuang kontribusyon sa ipon ng mga miyembro, na umabot sa Php 40.4 bilyon. Kasama rito ang regular savings at ang Modified Pag-IBIG 2 Savings o MP2, na patuloy na pinipili ng mga miyembrong nais ng mas mataas na kita sa kanilang ipon.
Ang MP2 Program ay isang special voluntary savings program ng Pag-IBIG Fund na may maturity period na 5 years na ang pinakamababang savings ay P500.00 pesos. Ang inyong Agarang Serbisyo pati na rin mga anak ko ay nag-impok din sa MP2 dahil mas mataas ang interest rate at hindi kami nag-alala. Siguradong matatag ang Pag-IBIG Fund.
Nakapagtala rin ang Pag-IBIG ng equity base sa Php 776.52 bilyon, na kinabibilangan ng equity ng mga miyembro, retained earnings, at iba pang reserves.
Ayon kay Pag-IBIG Fund chief executive officer Marilene Acosta, patunay ito ng matatag na kalagayang pinansyal ng ahensya. “Dahil sa aming solidong pondo, patuloy naming napapalago ang halaga ng ipon ng mga miyembro habang pinapanatili ang abot-kayang pautang para sa kanilang mga pangangailangan,” ani Acosta.
Sa kabuuang assets, Php 133.06 bilyon ay inilaan sa mga pamumuhunan na may layuning lumikha ng kita at panatilihin ang likididad. Mayroon ding Php 21.29 bilyon sa cash at cash equivalents.
Dagdag pa rito, nananatiling matatag ang performing loans ratio ng Pag-IBIG sa 94.13 porsyento, na ayon kay CEO Acosta ay patunay ng maayos na pamamahala sa loan portfolio at disiplina ng mga nangungutang.
Sa kasalukuyan, mayroong 16.58 million na aktibong miyembro ang Pag-IBIG Fund, isang malinaw na indikasyon ng patuloy na tiwala ng mga Filipino sa ahensyang ito.






