Home OPINION GIYERA: KYIV SA UKRAINE, TEHRAN SA IRAN DUROG NA DUROG NA;...

GIYERA: KYIV SA UKRAINE, TEHRAN SA IRAN DUROG NA DUROG NA; SA PINAS KAYA?

2
0

ANO-ANO kaya ang nasa isipan ng ating mga lider sa pakikipagbangayan sa China ngayon?

Handa silang makipaggiyera laban sa nasabing bansa, mata sa mata, ngipin sa ngipin, bala sa bala, bomba sa bomba, missile sa missile at drone sa drone?

Kasali sa pakikipagbangayan ang mga pinunong sibilyan at unipormadong pwersa ng pamahalaan, kasama ang ilang taga-Kongreso.

Ang Palasyo na lang ang naglalaro para sa diplomatikong paglutas sa tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China.

May dalawang pagmumulan ng giyera.

Madadamay at madadamay tayo sa giyera sa pagitan ng United States at China kung pipiliting sakupin ng China ang Taiwan dahil gagamitin ng US ang mga Enhanced Defense Cooperation Agreement site sa Pinas sa pagtatanggol sa Taiwan.

Kasama rito ang Antonio Bautista Air Base sa Palawan, Basa Air Base sa Pampanga, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro, Mactan-Benito Ebuen Air Base sa Cebu. Camilo Osias Naval Base sa Sta. Ana, Cagaya, Lal-lo Airport sa Cagayan, Camp Melchor de la Cruz sa Isabela at Balabac sa Palawan.

Ito ang mga unang dudurugin ng China at dito na madadamay ang Pinas.

Maaari ring direktang makipaggiyera ang China sa Pinas sa agawan sa South China Sea, kabilang na ang inaangkin ng Pinas na West Philippine Sea na inaangkin din ng China.

Kung may giyera, gaya ng nagaganap sa Iran laban sa US at Israel, may durugan sa mga base militar sa Iran at sa mga base militar sa mga bansang nadamay sa Middle East ngunit higit na nakababahala ang pagkadamay maging ang Tehran na kapital ng nasabing bansa.

Sa Ukraine, durog na durog na ang Kyiv sa mga bomba, missile at drone ng Russia.

Kapag nagkagiyera ang madaramay ang Metro Manila at lahat ng EDCA site, ano sa palagay ninyo ang mangyari?

Hindi kaya lalayas ang nagtatapang-tapangang mga lider ng Pinas at maiiwan sa kamatayan, gutom at paghihirap ang mga mamamayan?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here