HINDI kaya nangangamoy unconstitutional o labag sa Konstitusyon ang panukalang pambansang badyet o General Appropriations Act para sa 2027 gaya ng nangyari sa GAA 2024, 2025 at bahagi ng 2026?
Kabilang sa mga palatandaan dito ang kagustuhan ng minorya sa Kamara na ibalik sa Kamara ang bersyon ng panukalang GAA 2027 na ipinasa ng mayorya sa Senado upang ituwid ang dapat ituwid.
Lalong lumakas ang paniniwalang may pambababoy sa GAA 2027 ngayong nagsisilabasan sa Senado ang mga patunay rito.
Nag-iingay pa si Caloocan City Representative Egay Erice nang malaman nitong inaalok ang mga minorya ng tig-P10 milyon na tumahimik sa kontroversya at lalo itong nag-ingay nang minamanipula umano ng liderato ng Kamara ang badyet para magkaroon sila ng malalaking insertion o paningit at nawawalan o napababayaan ang ibang mga distrito.
Kasabay ni Erice sina Navotas Congressman Toby Tiangco at Davao City Cong. Isidro Ungab na umaatake rin sa kabalbalan sa panukalang GAA 2027 ng Kamara.
Para kay Tiangco, hindi isinalang ang lahat ng pag-uusap sa lebel ng mga komite ang mga panukalang badyet ng mga ahensya at distrito at basta na lang inaprubahan ang marami sa plenaryo.
Partikular na pinuna ni Tiangco ang dagdag na P5 bilyon sa panukala sa National Expenditure Program na P17.623B para sa Kamara mismo kaya naging P22.623B.
Para kay Ungab, napakalalaki umano ang mga halagang pinagbabawas sa panukala sa NEP at inilipat ang mga ito sa mga proyekto ng mga kongresman.
Kasama rito ang ₱131.5B mula sa nasa NEP na P387.3B para sa mahahalagang infrastructure project.
Halimbawa, kasama sa ibinawas ang P5.1B para sana sa kabuuang P15.07B Davao Public Transport Modernization Project (DPTMP) at malaki rin umano ang ibinawas sa Metro Manila Subway at North-South Commuter Railway (NSCR).
Sa Senado, kasama ang mga Civil Society Organization, lumilitaw na nasa P190-P220B ang ibinawas sa NEP para sa iba’t ibang proyekto patungo sa mga proyekto ng mga kongresman.
Kabilang sa mga binawasan ang Foreign-Assisted Projects sa halagang ₱130 billion; Calamity Funds – P9.5B; Health Program – P4B para sa bakuna at P5B para sa mga pasilidad; kontra-baha – P4.66B; at Right of Way – P2.6B.
Inilipat ang mga ibinawas para madagdagan halimbawa ng P5B ang badyet mismo ng Kamara, habang may dagdagna P10.06B para sa social at sectoral support gaya ng edukasyon, medical assistance at suportang pang-agrikultura at may dagdag ding P8.04B para sa hiwalay na kontra-baha.
Ang Local Government Support Fund na pork barrel umano ng Pangulo ay dinagdagan ng ₱4.09B mula sa panukala sa NEP na ₱58.53B.
Mero pang mga idinagdag para subsidy sa mga kolehiyo at transportasyon ngunit daraan lahat umano ito sa kamay o pag-apruba ng bawat kongresman.
Paliwanag ni Ungab ukol sa mga flood mitigation o flood control projects, kasama ang iba pang mga imprastrakturang proyekto gaya ng mga multi-purpose building na nakararami sa mga proyekto at farm-to-market road, itinuturing ang mga ito na Basic Infrastracture Program o pandistrito at kontrolado ng mga kongresman.
Ano nga kaya ang kahihinatnan ng panukalang GAA 2027 na daraan pa rin sa Bicameral Conference Committee at mata ng Pangulo…labag din kaya sa Kontitusyon?






