Bulacan – Arestado ang dalawang lalaking lulan ng kahina-hinalang itim na pick up truck nang banggain ang isang rumespondeng mobile patrol ng pulisya sa bayan ng Sta. Maria.
Sa report kay PCOL Franklin Estoro, Officer-in-Charge ng Bulacan police kinilala ng pulisya ang suspek na sina alyas Del at Pablo.
Ayon sa report ng Sta. Maria police station, naganap ang pag-aresto bandang 1:30 ng hapon nitong Mayo 31 sa Brgy. Sta. Clara.
Base sa imbestigasyon, isang tawag mula sa ilang concerned citizen ang natanggap ng istasyon na may isang kahina-hinalang itim na Nissan Navarra ang umiikot sa naturang lugar.
Dahil dito, rumesponde ang mga tauhan ng istasyon subalit bago makalapit sa target ay binangga na agad ng mga suspek ang unahang bahagi ng kanilang mobile patrol at tumakas.
Agad naman hinabol ng mga parak ang mga suspek na humarurot patungong Brgy. Poblacion hanggang sa masukol ang mga ito at tuluyang naaresto.
Nakumpiska sa mga suspek ang Kimber cal. 45 pistol stainless magazine ng cal.45 na may pitong bala, Smith & Wesson cal. 38 revolver na may anim na bala at Nissan Navarra.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong Direct Assault at paglabag sa RA 10591 na may kaugnayan sa Omnibus Election Code dahil sa umiiral na gun ban habang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya. Dick Mirasol III