Home NATIONWIDE Priority bills ni PBBM tatalakayin ng Kamara bago matapos ang 19th Congress

Priority bills ni PBBM tatalakayin ng Kamara bago matapos ang 19th Congress

255
0

MANILA, Philippines- Tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez na tatapusin ng Kamara ang pagtalakay sa priority bills ni Pangulong Bongbong Marcos bago ang pagsasara ng 19th Congress sa June 11.

“Now is the final stretch of the 19th Congress, and we intend to make every day count,” pahayag ni Romualdez kung saan ngayong araw (June 2) ay baliksesyon ang Kongreso matapos ang election break.

Ayon kay Romualdez, kabilang sa mga panukalang nakatakdang isalang sa ikatlo at pinal na pagbasa ay ang House Bill (HB) No. 10987, Anti-Offshore Gaming Operations Act, na layong ipagbawal ang POGOs at ang offshore gambling operations sa bansa, at HB 11359 o Philippine Civil Registry Act.

Nakatakdang aprubahan din ang HB 1143 o Declaration of State of Imminent Disaster Act; HB 11395, ang AICS Act na nagsasa-institusyonalisa ng emergency assistance para sa mga indibidwal sa krisis; at House Bill 11400, ang panukala sa pagpapalawak ng mga benepisyo at pribilehiyo para sa mga senior citizen.

“Let us move decisively on these bills. Bawat isa sa kanila ay may direktang epekto sa buhay ng mga Pilipino, mula sa kaligtasan ng komunidad, hanggang sa karapatan at benepisyo ng ating mga senior citizens,” ani Romualdez.

Nabatid na sa kasalukuyang 19th Congress ay nasa 13,868 panukala ang inihain sa Kamara mula Hulyo 25, 2022 hanggang Mayo 28, 2025.

Sa nasabing bilang, 11,506 ay mga panukalang batas, at 2,361 naman ang iba’t ibang uri ng resolusyon. Naglabas din ang Kamara ng 1,451 committee reports at sa huli ay naaprubahan ang 1,493 na panukala sa ikatlong pagbasa, kabilang dito ang 280 na naging batas— 93 pambansa at 187 lokal na batas.

Una nang ipinagmalaki ni Romualdez sa naganap na pulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council(LEDAC) ang halos ganap na pagpasa sa 27 sa 28 panukala sa ilalim ng Common Legislative Agenda (CLA).

Iniulat ni Speaker Romualdez kay Pangulong Marcos ang 28 panukalang LEDAC na napagkasunduang aprubahan bago matapos ang ikatlong regular na sesyon ng Ika-19 na Kongreso.

Sa 28 panukala, tanging ang panukalang amyenda sa Agrarian Reform Law na lamang ang hindi pa natatapos ng Kamara.

Mula nang magbukas ang ika-19 na Kongreso, 61 sa 64 na panukalang LEDAC ang naipasa na ng Kamara.

Ang natitirang tatlong panukala ay ang National Defense Act, ang Budget Modernization Bill, at ang mga amyenda sa Agrarian Reform Law. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here