MANILA, Philippines – Iniimbestigahan ngayon ng Manila Police District (MPD) ang umano’y pagnanakaw sa labing limang plaka ng mga sasakyan sa kasagsagan ng pagbuhos ng malakas na ulan madaling araw ng Lunes, Hunyo 2 sa Tondo, Manila.
Ang mga nasabing sasakyan na kinabibilangan ng SUV, taxi at kotse ay nakaparada sa isang parking lot sa New Antipolo Street na ilalim lamang ng Skyway Extension.
Nagulat na lamang ang mga may-ari ng mga sasakyan na wala na ang plaka ng kanilang sasakyan na maaaring ninakaw.
Ayon sa isang opisyal ng Brgy. 217, isa-isang nagreklamo ang mga may-ari ng mga sasakyan sa kanilang tanggapan kung saan hinala nila na ninakaw ang kanilang plaka sa kasagsagan ng ulan kagabi hanggang madaling araw.
Pangamba ng mga may-ari ng plaka na baka magamit sa iligal na paraan ang kanilang mga plaka kaya’t umaasa sila na mahuhuli ang may kagagawan nito.
Inaalam na ng MPD Station-7 kung sino o anong grupo ang responsable sa pagnanakaw ng mga plaka. Jocelyn Tabangcura-Domenden