Home NATIONWIDE Kwestyunableng mga rekord ng Manila LGU naglutangan

Kwestyunableng mga rekord ng Manila LGU naglutangan

202
0

MANILA, Philippines – NABABAHALA ang itinalagang transition team ng kampo ni incoming Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na posibleng tumagal ang kanilang maging papel sa paglilipat ng kapangyarihan matapos isa-isang maglutangan ang mga kuwestyonableng mga rekord ng lokal na pamahalaan.

Nabatid na kabilang sa kanilang nadiskubre ay ang biglang paglobo ng bilang ng mga job order (JO) employee batay na rin sa sumirit na payroll na umabot sa P1.4 bilyong ngayong taon na mas malaki kumpara sa P400 million noong taong 2022.

Batay sa nakuhang rekord ng transition team, mula Disyembre ng taong 2024 hanggang Marso ng 2025 ay nasa mahigit 1,500 JO ang nadagdag sa payroll kaya’t umakyat sa P5.4 billion nitong taong 2024 ang employee compensation mula sa P4.5 bilyon noong 2020.

Anila, lumilitaw na kalahati na ng kawani ng lokal na pamahalaan ay pawang mga job order at contractual employees.

Nabatid pa sa transition team na kung pagsasamahin ang sahod ng mga consultants at JO ay lumobo na ito sa P1 bilyon noong 2024 kumpara sa dating P712 milyon noong 2023 habang ang Social Amelioration Program sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (SAP-PLM) na aabot sa P110 milion ay hindi pa rin nababayaran.

Nababahala rin ang kampo ni Domagoso hinggil sa mabilis na pagnipis ng reserbang salapi ng lokal na pamahalaan dahil mula sa P16.3 bilyon noong 2020 ay lumiit ito sa P7.3 bilyon o 55% na pagbaba ngayong Mayo, 2025.

Ikinakabahala din ng transition team ang ulat ng Commission on Audit (COA) na 452 na real property units ang under-assessed na dahilan upang lumiit ang sana’y P3.3 milyong makokolektang buwis pati na rin ang pag-aalis sa 1,130 real property units sa kanilang tax rolls.

Dahil dito, sinabi ng transition team na mamanahin ng incoming mayor ang lumiit na reserbang cash, ga-bundok na pagkakautang, at kung papaano maibabalik ang disiplinadong pananalapi lalu na’t lumalawak ang kakulangan sa pondo para tustusan ang mga pangunahing proyekto at programa ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here