MANILA, Philippines- Sa makabuluhang tagumpay ng kampanya laban sa illegal drugs, naaresto ng Makati City Police Station, ang isang High-Value Individual (HVI) at nakumpiska sa kanya ang tinatayang 67 gramo ng hinihinalang shabu na may estimated street value na P455,600 sa buy-bust operation nitong Lunes ng gabi.
Ang buy-bust operation ay ikinasa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pamumuno ni PMAJ RYAN B SALAZAR, at pangunguna ni PCapt. Escubido sa coordination sa Police Sub-Station 1 at pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dakong alas-11:55 gabi ng June 2, 2025, sa JB Roxas Street, Barangay Olympia, Makati City.
Kinilala ang suspek na isang Henry alyas “Waki,”, residente ng Barangay Olympia, at tukoy na high-value individual (HVI) sa drug watchlist, na nahaharap sa pag;abag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) ng Republic Act No. 9165, mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Isang police poseur-buyer ang matagumpay na nakabili ng isang heat-sealed transparent plastic sachet na mayroong hinihinalang shabu mula sa suspek.
Nang maibigay ang senyas ng police poseur buyer na natuloy ang transaksyon, mabilis na sinugod at inaresto ng mga operatiba ang suspek at nagsagawa ng body search, na nagresulta sa pagkakasamsam sa kanya ng karagdagang illegal items na kinabibilangan ng isang knot-tied transparent plastic sachet at tatlong heat-sealed transparent plastic sachets na pawang naglalaman ng hinihinalang shabu; isang genuine five hundred peso (P500) bill na marked buy-bust money; at isang black sling bag, na pinaglagyan ng illegal drugs.
Umaabot sa 67 gramo ang kabuuang timbang ng shabu na nakumpiska kay WAKI alinsunod sa standard procedure, na dinala sa Crime Laboratory para sa qualitative at quantitative analysis habang inihahanda ang mga kaukulang dokumento para sa paghahain ng kaso sa paglabag sa Sections 5 at 11 ng RA 9165 sa Makati City Prosecutor’s Office. Dave Baluyot